Alok ng Pag-IBIG: loan restructuring, pagpapaliban ng dagdag-kontribusyon

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2020 08:03 PM | Updated as of Nov 30 2020 02:53 PM

MAYNILA — Kanselado na ang nakatakdang dagdag-kontribusyon na P50 sa Pag-IBIG fund sa susunod na taon.
    
Umaapela rin ang ahensiya sa mga nag-housing loan na hindi na nakakabayad dahil sa epekto ng pandemya na agad mag-apply ng housing loan restructuring program para maiwasang mailit ang bahay.

Isa sa mga nag-avail nito si Chito Aquino.

Walong taon nang naghuhulog ng Pag-IBIG housing loan si Aquino pero ngayong may pandemya, nadagdagan ang gastusin ng pamilya.

Kaya naisipan niyang mag-apply ng housing loan restructuring program kung saan tigil muna ang mahigit P8,000 na buwanang hulog na itutuloy sa Marso pa ng susunod na taon.

"Siyempre ang masi-save doon puwedeng dagdag sa finances sa bahay so malaking tulong siya... Malaking savings ang mga 4 months. Imagine pandagdag lalo na sa electricity bill tumaas din kasi dito ako nagwo-work," ani Aquino.

Ang isa pang target ng programa ay 'yung mga may housing loan na di na nakakabayad sa loob ng 12 months o mula Setyembre 2019.
    
Mahigit 50,000 pa lang ang naka-apply sa target na 200,000 ng ahensiya.

"Sana po mag-apply sila online at mag-avail sila nitong special housing loan restructuring program natin para naman po matulungan sila at patuloy nilang mapanatili ang pag-aari ng kanilang bahay," ani Acmad Moti, CEO ng Pag-IBIG.

Dahil sa epekto ng pandemya, ipinagpaliban na rin sa taong 2022 ang nakatakda sanang dagdag kontribusyon ng Pag-IBIG na P50.

Pero hinihikayat nila ang boluntaryong dagdag-kontribusyon ng mga miyembro at employer.


—Mula sa ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.