MAYNILA — Nilagdaan na ng gobyerno ang isang tripartite agreement katuwang ang pribadong sektor at vaccine developer na AztraZeneca para sa pagbili ng inisyal na suplay ng COVID-19 vaccine, na kasalukuyan pa ring dine-develop ng naturang pharmaceutical company.
Mahigit 30 kompanya ang lumahok nitong Biyernes sa ceremonial signing kung saan aabot sa 2.6 million doses ng bakuna ang bibilin sa AztraZeneca.
Kabilang dito ang Lopez Group of Companies, San Miguel Corporation, Ayala corporation, Gokongwei Group, at iba pa.
"We are working closely with regulatory authorities across the globe and we really hope to bring in a solution here to end COVID-19 pandemic," ani Lotis Ramin, country president ng AstraZeneca Pharmaceuticals.
Kalahati ng mabibili ng pribadong sektor ay ibibigay sa kanilang mga manggagawa habang kalahati naman ay ido-donate sa gobyerno para maibigay agad sa frontliners.
Dinepensahan naman ng gobyerno ang pag-order agad ng bakuna kahit hindi pa tapos ang clinical trials at kahit may nagsasabing nasa 70 percent pa lang ang efficacy rate nito.
Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, dadaan pa naman sa clinical trials sa bansa ang bakuna kaya masusuri pa ang efficacy nito.
"The degree of confidence will increase over time because we have a lot of strategies, all the five vaccines will undergo clinical trial here so we will see the results, at the same time, those vaccine that will be rolled out will undergo stringent regulatory procedures, wherein they will undergo scrutiny and selection," sabi ni Galvez.
Inaasahang sa Mayo o Hunyo ng susunod na taon dadating ang bakuna ng AstraZeneca.
MGA KATANUNGAN
Pero sa kabila ng kasunduan, marami pa rin ang tanong ukol sa bakuna ng AstraZeneca, lalo't hindi pa nasasapubliko ang lahat ng detalye ng kanilang clinical trials.
Maaalalang sinabi ng AztraZeneca na umabot ng 90 percent ang bisa o efficacy rate ng COVID-19 vaccine na dine-develop nila kasama ang Oxford University.
Pero kinuwestiyon ng ilang siyentipiko at World Health Organization ang maliit na bilang ng mga napasailalim sa clinical trials ng AstraZeneca.
"This is based on rather small numbers, and I think we need to wait to see the results both of the efficacy and the safety," ani WHO chief scientist Soumya Swaminathan.
Lumabas din sa pag-aaral ng AztraZeneca na kapag ibinigay ang bakuna ng kalahating dose at sinundan ng buong dose matapos ang isang buwan, nagiging 90 porsiyento itong epektibo. Pero kung parehong full dosage, bumababa ito sa 63 percent.
Ang average na efficacy rate ng bakuna ay 70-percent, pasado para sa mga regulatory agencies.
May mga kumuwestiyon din sa edad ng mga sumali sa trial.
"[S]econd subgroup was also limited to people aged 55 or below, a demographic with lower risk of developing severe COVID-19. Oxford and AstraZeneca did not disclose the age breakdown on Monday, when results were released," sabi naman ni Moncef Slaoui, head ng Operation Warp Speed, ang funding program ng US government para sa vaccine development.
Inaabangan ng WHO ang resulta ng karagdagang clinical trials ng AstraZeneca.
Sa ngayon, nasa pre-evaluation pa lang ng vaccine experts panel ang hiling ng AstraZeneca na mag-clinical trials sa Pilipinas.
—Mula sa ulat nina Joyce Balancio at Kristine Sabillo, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV Patrol, TV Patrol TOP, bakuna, vaccine, World Health Organization, COVID-19, Food and Drug Administration, FDA, DOH, AstraZeneca, Department of Health, private sector, clinical trial, Lopez Group of Companies, San Miguel Corporation, Ayala corporation, Gokongwei Group, coronavirus, coronavirus disease