'World-class' accommodation, buffet hatid sa mga gagamit ng Athletes' Village

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 07:37 PM | Updated as of Nov 27 2019 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hatid ng New Clark City ang "world-class" accommodation at buffet para sa mga contingent na lalahok sa Southeast Asian Games. 

Mayroong airconditioner, telebisyon, closet, at banyo sa bawat kuwarto, na kayang tulugan ng dalawa hanggang tatlong tao. 

Persons with disability (PWD) - friendly ang mga pasilidad, gaya ng basketball court, swimming pool, at gym. 

Simple rin ang disenyo ng gusali, na dinisenyo mula sa lahar - at kayang pagkasyahin ang aabot sa 1,800 atleta. 

"Lahat po ng mga facilities namin kompleto na po 100 percent, all the rooms are ready to accommodate about 1,800 athletes," pahayag ni Arrey Perez, Deputy Director General sa Athletes' Village. 

May sarili ring dining hall ang mga empleyado at volunteers, maging ang mga atleta, coaches, at delegates. 

Tumatakbo nang 24/7 ang buffet, na "halal-friendly" at swak sa panlasa ng Western at Asian culture. 

"Athletes can't leave the complex so we try make sure, that they can eat 24 hours a day," ani Bruce Lim, executive chef sa SEA Games. 

May food safety team ding nangangasiwa sa kalinisan at sustansiya ng lahat ng pagkain. 

Hinangaan ng ilang SEA Games delegates gaya ni Sim Chantha mula Cambodia sa mga pasilidad sa Athlete's Village. 

"We were surprised and happy in the Athletes' Village, because the building is in the mountain, so we can get the fresh air," ani Chantha. 

Samantala, "halos kumpleto" na rin ang mga venues Clark Freeport Zone, gaya ng lawn bowls at Pétanque. 

Nailatag naman na ang carpet, rubber mats, at mga barikada sa gagamiting gymnasium sa Angeles University. 

Tinatapos na ang stage at hinihintay na ang LED scoreboard at iba pang branding materials ng SEA Games. 

Gumagamit din ng SEA Games activity monitoring ang security nang may GPS. 

Gaganapin ang opening ceremonies ng SEA Games sa ika-30 ng Nobyembre sa Philippine Arena. 

-- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.