PANOORIN: 'Gate-crasher' na heneral, pinaalis sa forum sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 11:05 PM | Updated as of Nov 27 2019 11:42 PM

 

MAYNILA—Pinaalis sa isang forum sa Quezon City nitong Miyerkoles si AFP deputy chief of staff for civil military operations, Maj. Gen. Antonio Parlade Jr.

Kuha sa video na ipinaliwanag ni Carol Araullo, chairperson ng grupong Bayan, kung bakit hiniling nila na lumabas sa venue ang heneral.

Ang forum ay inorganisa ng Movement Against Tyranny at National Union of Peoples' Lawyers (NUPL) kaugnay ng mga umano'y panunupil ng pamahalaan sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pag armas sa batas laban sa mga pumupuna sa gobyerno.

Ayon sa abogadong si Edre Olalia, presidente ng NUPL, hindi imbitado sa forum si Parlade pero nang dumating sa venue ay iginalang at binigyan siya ng mauupuan.

Sa gitna aniya ng open forum, mayroon isang nagtanong para sa reaksiyon ni Parlade sa isyung pinag-uusapan kaya ito pumunta sa harapan. Dito na siya hinarang ni Araullo at pinaalis sa venue.

Sinubukan ng ABS-CBN News na makuha ang panig ni Parlade sa pamamagitan ng pagtawag sa kaniyang telepono pero kinansela nito ang mga tawag. Wala rin siyang sagot pa sa mga text message para sa kaniyang reaction.

Pinaubaya naman ni Brig. Gen. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng AFP, kay Parlade ang pagbibigay ng pahayag kaugnay ng insidente. Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News