P115 milyong halaga ng 'shabu' nakuha sa 2 hinihinalang drug courier

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 03:59 PM | Updated as of Nov 27 2019 05:44 PM

Nasa P115 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha sa 2 umanong drug courier sa Las Piñas City. Larawan mula sa Southern Police District Public Information Office

Tinatayang nasa P115 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha ng mga awtoridad sa magkapatid na umano ay mga drug courier sa buy-bust operation sa Las Piñas City nitong Miyerkoles.

Ikinasa ang operasyon bandang alas-11:30 ng umaga sa isang parking lot sa may C5 Extension sa Barangay Manuyo, ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD).

Kinilala ng pulisya ang mga naarestong suspek bilang sina Joel Bustamante at Merwin Bustamante, parehong taga-Malabon City.

Ang 2 suspek ay courier umano ni Liu Chao, ang Chinese national na inaresto sa naunang operasyon sa Makati City, ayon sa pulisya.

Nakuha kay Liu ang nasa P2.7 bilyong halaga ng hinihinalang shabu, na itinuturing ng mga awtoridad bilang isa sa mga pinakamalaking halaga ng nakumpiskang droga ngayong taon.

Nakumpiska naman sa 2 umanong courier ang 17 plastic pack na may 17 kilogramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P115.6 milyon, ayon sa pulisya.

Nasa kustodiya na ng Drug Enforcement Group ng Philippine National Police ang nakumpiskang droga.

Sasampahan ng mga kaukulang kaso ang mga suspek, ayon sa pulisya. -- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.