Shabu na nilalagay sa plastik ng kendi at mani, nasamsam sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2018 05:19 PM | Updated as of Nov 27 2018 07:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto noong gabi ng Lunes ang tatlong magkakamag-anak sa isang buy-bust operation sa lungsod ng Bacoor, Cavite.

Matapos umanong makatanggap ng sumbong mula sa concerned citizen, nagkasa ang Bacoor police ng operasyon laban kay Raffy Villanueva, na isa umanong "street-level target drug personality."

Idinaos ang operasyon sa isang bahay sa Barangay Habay I, at kasama ni Raffy na nahuli ang kaniyang ina na si Salvation Villanueva at pinsang si Saldy Villanueva.

Nakuha ng mga awtoridad ang mga plastik ng kendi at mani na pinaglagyan umano ng ilang sachet ng shabu.

Bukod sa pagtutulak umano ng droga, nakakuha rin ang mga awtoridad ng surveillance video, kung saan mapapanood na pinagagamit ng mga suspek bilang puwestuhan ang kanilang bahay para sa mga kakilalang parokyano.

Umamin si Raffy na gumagamit ng droga habang sinabi naman ng kaniyang inang si Salvation na napag-utusan lang ang kaniyang anak.

Kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.