Peace adviser Dureza nagbitiw sa puwesto

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2018 10:06 PM

Presidential Peace Adviser Secretary Jesus Dureza. Karl Norman Alonzo, Malacañang Photo

Nagbitiw na sa puwesto si Presidential Peace Adviser Jesus Dureza, sabi ngayong Martes ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kaniyang talumpati sa inauguration ng Bohol-Panglao International Airport, sinabi ni Duterte na ikinalungkot niya ang pagbibitiw sa puwesto ni Dureza.

Bagaman hindi ipinaliwanag ni Duterte ang dahilan ng pagbibitiw sa puwesto, inanunsiyo rin niya sa parehong talumpati na sinisibak niya sa puwesto sina Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Undersecretary Ronald Flores at Assistant Secretary Yeshton Donn Baccay.

Hindi rin nilinaw ni Duterte kung bakit tinanggal ang dalawang opisyal.

"Well, in fairness to Secretary Dureza, wala man siyang ano. Maybe because he's the head of office. Itong dalawang nagkalat din," sabi ni Duterte.

Pero sa isang hiwalay na pahayag na inilabas nito ring Martes, sinabi ni Dureza na inaako niya ang responsibilidad ng pagkakaroon ng katiwalian sa OPAPP.

"I am sad because despite my efforts to be compliant with your strong advocacy against corruption, I failed," sabi ni Dureza.

"Nonetheless, I take full responsibility and apologize for all this. I am voluntarily tendering my resignation to pave the way for the needed reorganization that Your Excellency may wish to undertake at OPAPP."

Dati na ring nagsilbing peace adviser si Dureza noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nangyari ang kaniyang pagbibitiw ilang buwan bago ang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law, isang mahalagang salik sa pagtatamo ng kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebeldeng Moro.

-- May ulat ni Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.