PatrolPH

Paggamit ng beep cards sa modernong jeep, pinag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2018 09:30 PM | Updated as of Feb 10 2020 02:40 PM

Watch more on iWantTFC

"Barya lang po sa umaga" ang kadalasan naririnig mula sa mga tsuper ng jeep dahil sa kawalan ng panukli.

Pero tila mapapawi na ang pahirapan sa suklian dahil pinag-aaralan na ng mga jeepney driver at operator na may modernong unit ng jeep ang paggamit ng beep cards.

Kasalukuyang nagagamit ang beep cards na pambayad ng pasahe sa mga istasyon ng LRT at MRT, maging sa ilang point-to-point (P2P) buses. 

Kailangan lamang i-tap ng mga pasahero ang kanilang beep card sa isang box pagpasok sa jeep. Ita-tap ulit nila ang beep card kapag sila ay bababa na ng jeep.

Mayroon ding diskuwento para sa mga person with disability, senior citizen, at mag-aaral. 

Pagbabasehan ang distansiya ng biyahe kung magkano ang ikakaltas na pasahe sa beep card at mabibigyan din ang pasahero ng tiket na magsisilbing resibo.

Nasa P13 ang minimum na pasahe sa modernong jeep.

Maaaring mag-load sa ilang accredited retail stores, at mga istasyon ng LRT at MRT.

Ayon sa AF Payments Inc., ang kompanya sa likod ng beep cards, target nilang makapag-install sa 1,000 modernong jeep at P2P bus sa susunod na taon. 

Target din ng AF Payments Inc. na magamit ang beep card sa mga linya ng Philippine National Railways at sa ilang parking area sa Metro Manila.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.