Mag-asawa, pinagbabaril sa sinasakang lupa sa Pangasinan

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2017 04:25 PM

Patay ang isang babae habang sugatan naman ang asawa nito nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Buenlag 2nd sa bayan ng Bayambang, Pangasinan Sabado.

Kinilala ang mga biktima na sina Epiginia Germono, 55 taong gulang, at Rogelio Germono, 58 taong gulang.

Base sa imbestigasyon, unang binaril si Epiginia na nagtamo ng tama ng bala sa ulo. Sunod na binaril sa dibdib ang asawa nitong si Rogelio.

Agad umanong tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.

Naisugod pa sa ospital ang mag-asawa pero dead on arrival si Epiginia.

Kasalukuyan namang ginagamot sa ospital si Rogelio.

Ayon sa pulisya, maaaring motibo sa pamamaril ang alitan sa lupa. Kinumpirma ito ng isa sa mga anak ng mag-asawa.

Ito ang ikalawang insidente ng pamamaril na naitala ng Bayambang Police ngayon buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.