Isabel Lopez, 'di nagsisi,' binawian ng lisensiya sa pagmamaneho

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2017 06:49 PM | Updated as of Nov 27 2017 10:58 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inaasahang isusuko ng aktres na si Isabel Lopez ang kaniyang driver's license matapos itong kanselahin ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa pagmamaneho niya sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) lane sa EDSA, halos dalawang linggo na ang nakalilipas.

Sa resolusyong inilabas ng LTO, ipinaliwanag ang desisyon ukol sa sinasabing tahasang paglabag ni Lopez sa panuntunang pantrapiko at pagbabalewala sa batas. 

Hindi umano nagbigay ng sapat na dahilan si Lopez para depensahan ang ginawang pagbiyahe sa ASEAN lane na itinakda lamang para sa mga delegado ng ASEAN.

Saad ng desisyon, "respondent... expressly admitted her failure to meet the conditions concomitant with the grant of her license. The defenses she proferred are considered lame and self-serving."

Dagdag ng desisyon: "Worse, she showed no remorse and even publicized with gusto her improper and illegal acts on social media, which betray her utter lack of responsibility as a licensed driver, thus, making her an improper person to operate a motor vehicle."

Ni hindi nga raw nagpakita ng pagsisisi si Lopez sa nagawa at ibinalandra pa sa social media ang ginawang ilegal.

Bunsod nito, ayon sa LTO, hindi karapat-dapat si Lopez na magkaroon ng lisensiyang magmaneho.

Sa loob din ng dalawang taon, hindi maaaring mag-apply para sa bagong lisensiya si Lopez.

Pinagmumulta rin ng kabuuang P8,000 si Lopez dahil sa iba't ibang paglabag sa batas pantrapiko na kalakip na rin umano ng ginawang pagdaan sa ASEAN lane.

Hindi rin ito makakuha ng lisensiya sa loob ng dalawang taon.

Una nang sinabi ni Lopez na humingi siya ng permiso sa mga traffic enforcer para payagan siyang makalusot sa ASEAN lane pero di siya pinayagan. 

Nang humiling siya ulit, umalis naman daw ang enforcer.

Hirit pa noon ni Lopez, sana raw ay bigyan siya ng deskuwento ng senior citizen kung pagmumultahin man.

Tinitingnan naman ng abogado ni Lopez kung paano iaapela ang desisyon ng LTO na masyado raw mabigat para sa isang first-time offender o unang beses pa lang na lumabas sa batas pantrapiko.

-- Ulat nina Joyce Balancio at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.