Angkas drivers nag-alok ng libreng sakay sa MRT, pinagbawalan

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2017 09:53 AM | Updated as of Nov 28 2017 12:53 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Hinarang ng mga awtoridad ang pag-aalok ng libreng sakay ng mga dating driver ng Angkas sa MRT North Avenue station sa Quezon City, Lunes. 

Itinigil ng Angkas ang operasyon nito noong nakaraang linggo matapos madiskubre ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na wala silang business permit. 

Sa halip na magkilos-protesta matapos mawalan ng trabaho, nagsagawa ng libreng sakay ang nasa 200 Angkas drivers upang makatulong sa mga pasahero ng MRT, sabi ng lider ng grupo na si Ryan Rillera. 

Nakapagsakay na aniya sila ng 100 commuter nang sitahin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bandang alas-5 ng umaga. 

Sinabi ni Rillera na handa silang itigil ang libreng sakay. Gayunman, kinuwestyon niya ang pagbabawal gayong libre naman ang kanilang alok at wala silang prangkisa kaya't hindi na nila kailangang sumailalim sa anumang regulating body. 

Iginiit ni LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada na ang mga nabanggit ni Rillera ang mismong problema. 

Aniya, walang anumang permiso na mag-operate ang Angkas, libre man o may bayad, kaya't hindi natitiyak ang seguridad ng mga pasahero. 

Nakiusap si Lizada kay Rillera na hintayin na lamang ang dayalogo sa pagitan ng Angkas at concerned agencies sa Disyembre 12. 

Sinabi naman ni Bong Nebrija, supervising officer for operations ng MMDA, na mabuti ang hangarin ng Angkas drivers na makatulong, pero dapat pa rin silang dumaan sa tamang proseso upang hindi malagay sa alanganin ang publiko. 

-- Ulat nina Arra Perez at Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.