'Pumalag': 2 patay sa buy-bust sa QC

Ron Lopez, DZMM

Posted at Nov 27 2016 10:29 AM

MANILA- Patay ang dalawang umano'y notoryus na drug pusher matapos umanong manlabang sa ikinasang buy-bust operation sa Project 6, Quezon City, Linggo.

Nagkaabutan na ng droga sa pagitan ng target na si Rodolfo Bano alyas Jhay-R at Station Anti-Illegal Drugs Group sa Road 3 nang bumunot at magpaputok ang suspek sa mga pulis, ayon kay Supt. Igmedio Bernaldez, commander ng Quezon City Police District Station 2.

Nagsilbi anyang back-up ang kasama ng suspek na si alyas Jojo kaya't napilitan na umanong makipagpalitan ng putok ang mga pulis, dahilan para mapatay ang dalawang suspek.

Ayon sa pulisya, kasama sa drug watchlist ng barangay sina Bano at Jojo bilang mga tulak.

Ginagamit rin umano bilang drug den ang inuupahang bahay ng mga ito.

Narekober sa crime scene ang dalawang kalibre .45 baril at 10 pakete ng hinihinalang shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.