Lalaki, patay sa pamamaril sa Caloocan City

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2017 02:06 AM

Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan sa lungsod ng Caloocan, Sabado ng gabi.

Ayon sa mga tanod, alas-9 ng gabi nang itawag sa kanila na may duguang lalaki na may tama ng bala sa katawan ang nakahandusay sa madilim na bahagi ng Balintawak Road sa Barangay 175.

Nakasuot ng kulay pulang t-shirt at puting short ang biktima. May papel ding nakapatong sa bangkay nito na nagsasabing siya ay "drug pusher" at "rapist."

May na-recover sa crime scene na isang bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Napasugod pa sa lugar ang mga kamag-anak ng person of interest sa Bulacan massacre na si Alvin Mabesa.

Ayon sa bayaw ni Mabesa na si Manny Roa, nabalitaan niya sa radyo ang bangkay na natagpuan sa Balintawak Road kung saan pareho ang suot nitong pulang t-shirt sa suot ni Mabesa nang mawala siya noong nakaraang linggo.

Halos mabunutan naman ng tinik ang pamilya dahil hindi raw si Mabesa ang napatay.

Isang linggo nang nawawala si Mabesa matapos umanong dukutin sa Quirino Highway sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Una nang pinatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang tatlong iba pang persons of interest sa "Bulacan Massacre" habang si Mabesa ay patuloy pa ring pinaghahanap.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.