Huling araw ng Bar exams, dinumog

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2016 10:35 AM

MANILA - Mala-piyesta ang paligid ng University of Santo Tomas sa Maynila dahil sa dami ng dumating na examinees at kanilang mga taga-suporta para sa huling araw ng Bar examinations, Linggo.

Nagpatalbugan ang mga taga-suporta ng examinees sa pagsigaw ng pangalan ng kani-kanilang law school. Bitbit din nila ang mga karatulang may mensahe ng suporta para sa mga kumuha ng pagsusulit.

Sa gitna ng kasiyahan, tiniyak naman ng mga awtoridad ang seguridad sa paligid. Maluwag din ang daloy ng trapiko.

Idineklarang "no parking zone" ang paligid ng UST. Nakabantay roon ang mga tow truck na hahatak sa mga sasakyang iligal na magpaparada.

Nasa 7,000 ang sumalang sa Bar Exams ngayong taon na nagsimula noong Nobyembre 6. Inaasahang sa 2017 ilalabas ang resulta ng pagsusulit.

Noong 2015, 1,731 o 26 porsyento ng mga examinees ang nakapasa. Ito ang pang-anim na pinakamataas na bilang ng bar passers simula 2001 kung kailan umabot sa 32.89 % ang nakapasa.

-- May mga ulat nina Zhander Cayabyab, DZMM; Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.