Bangkay ng pulis na nawala matapos lumubog ang bangka, natagpuan na

Jessa Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2016 09:06 PM

CAMARINES SUR -- Matapos ang tatlong araw na paghahanap, natagpuan na nakalutang sa dagat ng Barangay Mapid, Lagonoy, Camarines Sur ang bangkay ng 52-anyos na si SPO4 Edwin Pagao Linggo ng hapon. 

Mga divers at opisyal ng Philippine Coast Guard at Navy ang nakakita sa katawan ng pulis.

Isang dedikadong pulis kung ilarawan ni Melba Pagao ang kanyang asawa.

Mahirap umanong tanggapin ang pagkamatay ni SP04 Pagao sa araw ng mismo niyang kaarawan.

“Isa lang po ang sinasabi niya -- hindi siya tambay na uupo lang. Magtatrabaho siya kasi 'yun ang sinumpaan niya bilang isang pulis. Sayang daw po ang ng sinisweldo ng gobyerno tapos ito lang 'yung nangyari sa kanya,” ani Melba.

Sa kabila ng bagyong “Marce” sa Visayas noong Biyernes, walang gale warning na itinaas ang PAGASA sa bahagi ng Camarines Sur kaya itinuloy ng grupo ng CIDG-Camarines Sur ang kanilang operasyon sa kalapit bayan na Garchitorena. 

Pero makalipas ang 30 minuto na biyahe sa dagat, sinalubong na sila ng subasko o malalakas na alon na dahilan ng paglubog ng sinasakyan nilang bangka.

Swerte para kay CIDG Cam Sur Chief Inspector Ronnie Fabia ang kanyang pagkakaligtas pero dama niya rin ang lungkot sa pagkawala ng kanyang mga kasamahan.

Bugbog sa katawan at ilang sugat ang tinamo ni Fabia.

“Sa parte ko napakasakit din, kung pwede lang mag-swap kami ako na lang ang mamatay o mawala. Sila ang mabuhay. Kasi napakahirap sa isang opisyal na nakita mo mga tao mo na ganun ang mangyayari… Talagang hindi kaya ang kalikasan,” ani Fabia.

Maliban sa pulis na si Pagao, namatay din sa sa insidente ang dalawang civilian agents ng CIDG-Camarines Sur na sina Tomas Rentoy VII at Isagani Dadis.

Nakaharap sa Dagat Pasipiko ang lugar ng insidente. 

Ayon sa mga residente, kilala ang lugar na ito na delikado sa mga bumabiyahe dahil sa salu-salungat at malalakas na alon.