PatrolPH

Jeepney drivers hiling na 'pamasko' ang mababang presyo ng langis

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2022 05:36 PM | Updated as of Nov 26 2022 08:23 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATED) - Alas-5 ng umaga unang namamasada si Gerardo Roquia. 

Alas-10 ng umaga, barya-barya pa rin ang kaniyang kinita. P500 naman ang una niyang binubuno para pangkarga ng diesel. 

Dahil dito, laking tuwa niya nang malamang may namumurong rollback sa Martes. 

"Kasi kung tumataas wala nang maiuuwi, kulang pa. Minsan nga umaabot na kami alas-9 ng gabi para kumita rin at may maiuwi," ani Roquia. 

Kung susumahin, 16 oras sa kalsada ang ginugugol ni Roquia para kumita ng P400-P500. 

Isa siya sa 28 natirang drivers ng Catolos Panay Transport Cooperative sa Cubao, mula sa 98 tsuper. Unti-unti na silang tigil-pasada dahil sa huminang biyahe at mga taas-singil sa langis. 
    
Kaya hiling ni Alfredo Calbay, vice-chairman ng kooperatiba: "Sana nga hanggang Pasko, pamasko na lang nila sa amin para yung mga kasamahan namin makaipon para sa pangangailangan nila . Pinangngambahan namin baka pagnagtaas malaki naman, pag nagrollback medyo maliit lang." 

P3.50 hanggang P4 kada litro ang posibleng ibaba ng diesel. P1 hanggang P1.30 naman ang inaasahang bawas-singil sa gasolina at P2.20 hanggang P2.40 naman sa kerosene. 

Una nang ipinanawagan ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pag-institutionalize ng fuel subsidy program o pantawid pasada para sa mga tsuper at operator. 

"Kung meron na sana tayong batas para sa ayuda ng mga tsuper at operator ng public utility vehicles, hindi na sila mahihirapan pang pasanin ang bigat ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis lalo na’t patuloy din ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin," ani Gatchalian. 

Sa panukala, iginagawad ang ayuda kung mas mahigit sa $80 kada barrel ang presyo ng Dubai crude sa loob ng tatlong buwan. 

Magmula nitong Disyembre 25, nasa $91.21 kada barrel ang presyo ng Dubai crude. 

-- Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.