Pagdagsa ng mga deboto sa Quiapo Church noong pista ng Itim na Nazareno 2021.
MAYNILA (UPDATE) —Wala pa ring magaganap na Traslacion sa pista ng Itim na Nazareno sa 2022 dahil sa banta ng pandemya.
Ayon sa Quiapo Church, malabo na magsagawa ng tradisyonal na prusisyon, na ginaganap tuwing Enero 9, dahil malaki ang posibilidad na malalabag ang physical distancing sa pagdagsa ng mga deboto.
"Gagawin pa rin natin kung ano 'yung pinairal natin nung 2021. Bagama't gustong gusto natin magkaroon ng prusisyon pero dahil nga sa sitwasyon pa rin natin ngayon mukhang malabo pa rin tayo na magkaroon ng Traslacion. 'Yung prusisyon mula Luneta papunta ng Quiapo dahil nga sa kasalukuyan ay hindi pa rin available ang Luneta o ang Grandstand para sa pagdiriwang natin," ani Quiapo Church Parochial Vicar Rev. Fr. Douglas Badong.
Gayunman, tuloy pa rin ang pagdiriwang at tuloy ang mga misa kung saan inaasahan na mas maraming deboto ang magsisimba lalo na ngayong nasa Alert Level 2 ang quarantine status ng Metro Manila.
Kaya ngayon pa lang, puspusan na ang paghahanda ng simbahan katuwang ang Manila Police District at iba pang ahensiya.
Nagsagawa na rin ng ocular inspection ang pamunuan ng Quiapo Church at mga awtoridad sa mga kalsada sa paligid ng simbahan.
Sa pag-iikot, inalam na nila ang mga lugar kung saan ide-deploy ang nasa 8,000 pulis at kung saan ilalagay ang medical team, police assistance desks at emergency post.
"Hihigpitan natin 'yung control points natin kung saan ang simula ng mga pila kasi usually diyan nagkakagulo tapos 'yung mga marker nagdagdag tayo, tapos 'yung mga places na nagkakagulo mga tumatawid katulad niyan barikada mas dadagdagan natin 'yang mga barikada," ani Plaza Miranda PCP Commander Police Capt. Jervies Soriano.
Inaalam din kung saan ilalagay ang mga LED monitor at pinaplantsa na ang listahan ng mga isasarang kalsada.
"Tinitiyak namin na may sapat kaming tao, naghihikayat na kami ng mga volunteers, lay ministers, mga servers, mga ushers so dagdag din talaga ng tao para mas makatulong na ligtas ang pagpunta nila dito sa Quiapo," ani Badong.
Magtatalaga rin ng entrance at exit point pati na ang emergency lane ng simbahan. Paiigtingin din ang anti-criminality operation.
Ani Badong sa panayam sa TeleRadyo Lunes, mamamalagi ng 9 na araw sa Sta. Cruz Church ang vicario para masulyapan ito ng mga deboto.
Pinayagan din umano sila sa isasagawang motorcade ng taunang thanksgiving procession ng Poong Nazareno.
Sa Martes, bibiyahe ang Nazareno sa Antipolo Cathedral para sa taunang pagdalaw ng Poong Hesus Nazareno sa Dambana ng Mahal na Birhen ng Antipolo.
Bagama't nanghihinayang na walang Traslacion, naiintindihan naman ng mga deboto ang sitwasyon.
Paalala ng Manila Police District sa mga debotong magpupunta at makikiisa sa pista ng Itim na Nazareno, mahigpit na sumunod sa safety protocols at dalhin ang vaccination card.
— Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News
KAUGNAY NA VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.