PatrolPH

Engrandeng prusisyon tuwing Traslacion suspendido ulit sa 2022

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2021 05:55 PM

 Pagdagsa ng mga deboto sa Quiapo Church noong pista ng Itim na Nazareno 2021.
Pagdagsa ng mga deboto sa Quiapo Church noong pista ng Itim na Nazareno 2021.

MAYNILA - Wala pa ring gagawing Traslacion sa pista ng Itim na Nazareno sa 2022 sa Enero 9 dahil sa banta ng pandemya. 

Ayon sa Quiapo Church, malabo na magsagawa ng tradisyunal na prusisyon dahil malaki ang posibilidad na malalabag ang physical distancing sa pagdagsa ng mga deboto. 

"Gagawin pa rin natin kung ano yung pinairal natin nung 2021. Bagama't gustong gusto natin magkaroon ng prusisyon pero dahil nga sa sitwasyon pa rin natin ngayon, mukhang malabo pa rin tayo na magkaroon ng Traslacion yung prusisyon mula Luneta papunta ng Quiapo dahil nga sa kasalukuyan ay hindi pa rin available ang Luneta o ang Grandstand para sa pagdiriwang natin," ani Quiapo Church Parochial Vicar Rev. Fr. Douglas Badong. 

Gayunman, tuloy pa rin ang pagdiriwang at tuloy ang mga misa kung saan inaasahan na mas maraming deboto ang magsisimba lalo na ngayong nasa Alert Level 2 ang quarantine status ng Metro Manila. 

Kaya ngayon pa lang, puspusan na ang paghahanda ng simbahan katuwang ang Manila Police District at iba pang ahensiya. 
Nagsagawa na rin ng ocular inspection ang pamunuan ng Quiapo Church at mga awtoridad sa mga kalsada sa paligid ng simbahan. 

Sa pag-iikot, inalam na nila ang mga lugar kung saan ide-deploy ang nasa 8,000 pulis at kung saan ilalagay ang medical team, police assistance desks at emergency posts. 

"Hihigpitan natin yung control points natin kung saan ang simula ng mga pila kasi usually diyan nagkakagulo tapos yung mga marker nagdagdag tayo, tapos yung mga places na nagkakagulo, mga tumatawid, katulad nyan barikada, mas dadagdagan natin yang mga barikada," ani Plaza Miranda PCP Commander Police Capt. Jervies Soriano. 

Inalam din kung saan ilalagay ang mga LED monitor at pinaplantsa na ang listahan ng mga isasarang kalsada. 

"Tinitiyak namin na may sapat kaming tao, naghihikayat na kami ng mga volunteers, lay ministers, mga servers, mga ushers so dagdag din talaga ng tao para mas makatulong na ligtas ang pagpunta nila dito sa Quiapo," sabi ni Badong. 

Magtatalaga rin ng entrance at exit point, pati na ang emergency sa simbahan. Paiigtingin din ang anti-criminality operation. 

Bagama't nanghihinayang na walang Traslacion, naiintindihan naman ng mga deboto ang sitwasyon. 

Paalala ng Manila Police District sa mga debotong magpupunta at makikiisa sa pista ng Itim na Nazareno, mahigpit na sumunod sa safety protocols at dalhin ang vaccination card. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

 KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.