PatrolPH

P54.5 milyong halaga ng umano’y shabu nasabat sa Taguig; 2 tiklo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2021 07:35 AM

Watch more on iWantTFC

Inaresto ang isang babae at isang lalaking target ng buy-bust operation sa Maharlika Village, Taguig City, Huwebes ng gabi.

Nahulihan ng 8.25 kilos o tinatayang P54.5 milyong halaga ng shabu sina alyas Risa, 34, at alyas Jun, 32.

Binilhan sila ng 25 gramo ng shabu ng mga tauhan ng Southern Police District drug enforcement unit sa labas ng bahay ng babae.

Ayon kay Police Maj. Gen. Vicente Danao, direktor ng NCR Police Office, konektado ang mga nasabat na droga sa bilyong-bilyong shabu na nasamsam ng mga awtoridad sa Zambales noong Setyembre.

Nasundan ang buy-bust na ito ng naunang nahuling 8 kilo ng shabu sa Caloocan City.

Parehong nakabalot sa Chinese tea packaging ang mga droga.

Dagdag ni Danao, nagbebenta ang grupo ng droga sa buong NCR.

Depensa ng mga suspek, may magkaibang tao na nag-utos lang sa kanila na dalhin ang shabu.

Pinangakuan lang umano sila ng bayad, gaya ng P10,000 para sa babae, pero hindi naman anila ito natupad matapos mahuli.

Bahagi ng patuloy na imbestigasyon ng pulis ang pagkakakilanlan ng lalaki at babae na tinuturong source ng mga suspek.

Nahaharap sila ngayon sa kasong drug selling and possession. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.