Ilang kandidatong senador naniniwalang kaya pang buwagin mga political dynasty

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2021 03:17 AM

MAYNILA—Naniniwala ang ilang senatorial aspirants na kaya pang buwagin ang political dynasty sa bansa.

Sumalang sa isa pang edisyon ng "Sino SENyo" — isang roundtable discussion ng mga tatakbong senador na bahagi ng programang "SRO" sa Teleradyo — ang 5 kumakandidato sa Halalan 2022.

Kabilang dito ang mga independent candidate na sina Atty. Sony Matula, Jose Eduardo “Joed Serrano” Dimbla, Carl Balita ng Aksyon Demokratiko, Roy Cabonegro ng Partido Lakas ng Masa at senador Risa Hontiveros ng Akbayan Citizen’s Action Party.

Isa sa mga isyung tinalakay dito ay ang usapin ng political dynasty sa bansa, polisiya ng pamahalaan sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea, at talamak na korapsyon sa gobyerno.

Nagkakaisa ang 5 na dapat nang buwagin ang political dynasty sa Pilipinas pero aminado silang mahirap itong gawin.

"Sa palagay ko dapat talagang buwagin ang political dynasty sa Pilipinas sapagkat ito ay hindi makapagresolba sa marami nating problema," ani Matula.

"Kung magpapatuloy ito ay tuloy lang din ang korapsyon, katiwalian. 'Yung mga political dynasty nasa poder sa kasalakuyan ay hindi nakakapagbigay ng solusyon sa kalagayan ng mga Plipino. Ang kahirapan ay may koneksyon ’yan sa political dynasty. 

"Kung titingnan n’yo ang ating Konstitusyon ay dapat ay pino-prohibit ang political dynasty dahil ang mga political families ang may control sa ating kongreso, hindi nila nagawa kaya po mga bagong mukha naman na hindi mula sa political dynasty."

Para kay Hontiveros, kaya namang buwagin ang political dynasty at ito rin ang ipinag-uutos ng Konstitusyon.

"Nandiyan pa rin ang utos ng ating konstitusyon na sa kasamaang-palad halos 4 na dekada nang hindi sinusunod ng kongreso," ani Hontiveros.

"Meron na ring tayong best practices model, ang ating mga kabataang Pilipino ang nagpapakita ng landas doon po sa SK reform and empowerment bill, meron po silang probisyon na anti-dynasty. 

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC

"Tinutukoy by definition sino ang dynasties at nagbigay ng 3 eleksyon pagkatapos maisabatas ’yung batas nila para bawal muna ’yung mga kabataang mula sa political dynasties para i-level ’yung playing field para sa mga kabataang hindi galing sa mga political dynasties. At pagkatapos ng halos 1 dekada ngayon na medyo mas pantay na ang political playing field ay puwede nang buksan sa lahat. At the very least ’yan ang dapat at kaya nating ipasa."

Real talk naman ang sagot ni Dimbla na isang dating artista at aminadong miyembro ng LGBTQA+ community na naniniwalang wala itong pag-asa sa ngayon.

"Real talk lang tayo. Kung kaya ba o may pag-asa wala . . . Kung walang pangil o batas na magsasabing bawal ito wala," saad ni Dimbla.

"Why? Because these people, they get to enjoy the power, the money and I’m just really sad kasi tuloy-tuloy ’yan eh. Depende rin sa mga botante. Kung patuloy ang pagboto ng mga botatante sa mga magkakamag-anak eh walang mangyayari sa atin. Kapag nasuhulan sila ng pera walang pag-asa, para sa akin, unless there is law . . . Tama na tapos na . . . I think ’yun lang talaga ’yung pag-asa natin."

Naniniwala pa rin naman sina Cabonegro at Balita na kaya pang mabuwag ang dinastiya sa bansa.

"Una kaya. Pangalawa dapat. Pangatlo kaya ho kami nandidito, ang Partido Lakas ng Masa ngayon ay ito ang sumunod na pagkakataon mula noong 1997 nu’ng partido ng bayan kung saan may halos full slate ng mga progresibo hindi trapo, hindi mula sa pamilyang mayayaman," pahayag ni Cabonegro.

"Kaya po dapat po nating gawin, less than 300 families lang po ang namuno sa ating estado mula sa nakaraang 100 taon na meron tayong republika, panahon na ho ng bago."

Dagdag ni Balita: "I agree kaya at dapat. Nakikita natin ang kagustuahn ng marami sa bago. Subalit ang kailangang magdesisyon dito ay ang tao. 

"Ako ay may tiwala sa malaking porsiyento ng mga kabataan na silang bubuo ng massive force para sa pagbabago sa ating electoral system. Dapat magising ang kabataan na well informed dahil sa social media. 

"’Yung pagtakbo ko dito ay dahil na rin sa panawagan ng mga kabataan at sa pagtulong na rin ng aking pamilya na naniniwalang dapat mabuwag ito kasi nasa Konstitusyon naman ’yan ang kailangan lang natin ay isang batas na mag-o-operationalize ng wisdom ng Konstitusyon na dapat matapos ang political dynasty para mapagbigyan yung iba."