PatrolPH

ALAMIN: Bagong COVID-19 variant na na-detect sa South Africa

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2021 02:28 PM | Updated as of Nov 26 2021 06:28 PM

May suot na personal protective equipment ang ilang pasahero habang nakapila sa Ninoy Aquino International Airport, sa kasagsagan ng pagluluwag ng protocol para sa mga papasok ng bansa. ABS-CBN News/File
May suot na personal protective equipment ang ilang pasahero habang nakapila sa Ninoy Aquino International Airport, sa kasagsagan ng pagluluwag ng protocol para sa mga papasok ng bansa. ABS-CBN News/File

(UPDATE) Isang bagong variant ng coronavirus ang na-detect sa South Africa. 

May "pambihirang grupo ng mutations" ang B.1.1.529 variant na marami nang kaso sa Gauteng, South Africa at 8 pang probinsiya, base sa inisiyal na impormasyon. 

Pinapangambahan ito ng mga eksperto dahil base sa pauna at limitadong datos, posibleng matakasan nito ang immune response ng katawan at maging mas nakakahawa. 

Inaalam ngayon kung ano ang epekto ng variant sa kilos ng virus lalo't base sa mga nakaraang variant, apektado ng mga mutation ang bilis ng pagkalat nito. 

Base kasi sa inisyal na datos, may 50 kabuuang mutation ang variant. Nasa spike protein ang 30 sa kanila, na mas marami kumpara sa Delta variant. 

Ang spike protein ay parang susi na kumakabit sa "ace receptor" - dahilan para makapasok ang virus sa cells ng katawan at makapagparami. 

"'Pag ang spike protein na ang involved dito na mutation, mataas talaga ang risk of transmissibility. Remember that’s 30 mutation, so mahirap ma-detect agad yan ng katawan natin," ayon sa infectious disease specialist na si Dr. Rontgene Solante. 

Ayon kay Solante, dapat bantayan ang bilis ng pagkalat ng nasabing variant. 

"Because we are approaching December, January and a lot of countries are now downgrading their protocols. If you are going to look at this, with more transmission, probably this can be the next cause of surge and next Delta variant. But hopefully it won’t," ani Solante. 

Nasa 100 specimen na ng nasabing variant ang naberipika sa South Africa, at nakita na rin ito sa Botswana at Hong Kong. 

Nagpulong na rin ang working group sa virus evolution ng World Health Organization tungkol sa bagong variant. 

Maituturing pang "variant under monitoring" ang variant at pinag-aaralan pa kung gagawin itong variant of interest o variant of concern. Tinitingnan na rin nila kung ano ang posibleng epekto ng variant sa mga bakuna. 

Nauna nang nagsuspinde ng mga flight ang United Kingdom sa 6 bansa sa timog na bahagi ng Africa. 

Mino-monitor na rin ng pamahalaan ng Pilipinas ang sitwasyon. 

"Patuloy pa rin 'yung ating pakikipag-ugnayan sa WHO and we await any advisory coming from the WHO especially kung idi-declare ba itong variant of interest o variant of concern. Pero that being said, nakatutok naman po tayo-- ang DOH, ang IATF-- dito sa concern na 'yan," ani acting Presidential Spokesperson Sec. Karlo Nograles. 

Pero para sa mga doktor, kailangan na ng agarang pagkilos para maprotektahan ang border at maiwasan ang posibilidad na makalusot ang variant. 

"Let’s not wait for the WHO to pronounce that this is a variant of concern. Baka late na naman tayo. at this point the government should review again the border control, even without yet the concrete data na nakikita natin," ani Solante. 

Para naman sa health reform advocate na si Dr. Tony Leachon: "I would perhaps review travel guidelines considering Hong Kong is also stringent. They would impose 21-day quarantine, I would not mind imposing the same quarantine as Hong Kong and basically because of its proximity. Travelers OFWs will be of course coming from Hong Kong." 

Watch more on iWantTFC

Nanawagan ng paghihigpit ang grupo ng mga doktor ngayong may banta na ng B.1.1.529 variant. 

Ayon kay Dr. Maricar Limpin, pinuno ng Philippine College of Physicians, malaki ang posibilidad na makapasok ang bagong variant lalo't inaasahang marami ang magsisiuwian sa bansa ngayong Pasko. 

Importante aniyang gawin pa rin ang standard protocols gaya ng pagsasailalim sa RT-PCR test ng lahat ng mga biyaherong manggagaling ng ibang bansa. 

"Kahit gusto natin na mas magluwag tayo sa mga kapwa natin Pilipino, siguraduhin nating hindi makapasok ang virus na ito, importante titingnan natin hindi lang 'yung vaccination card," ani Limpin. 

"Importante ding malaman natin na wala silang dalang virus, this means na kailangan talagang i-test natin. Importanteng mapigilan natin kung saka-sakaling may dala man silang virus, ma-isolate natin sila, ma-quarantine natin sila sa tamang panahon nang sa ganoon ay hindi sila makahawa ng kapwa natin dito sa ating bansa," dagdag niya. 

Samantala, naghahanda na ang Bureau of Immigration sa inaasahang dagsa ng pasahero ngayong papalapit na ang Pasko. 

Sa Teleradyo, sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na hindi makakapag-leave ang kanilang frontline personnel. 

May bagong hire din na 99 immigration officers at binuksan na rin ang e-gates na isinara noon. 

Tiniyak naman ng Immigration na nasusunod ang health protocols at mahigpit silang nagbabantay sa mga galing sa red list country. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.