San Juan City nagpatayo ng bike repair station

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2020 03:55 PM

Pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang isang solar-powered bike repair station nitong Miyerkoles. Photo Courtesy: San Juan City Mayor Francis Zamora 

MAYNILA - Pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng San Juan City nitong Miyerkoles ang isang bike repair station na libreng magagamit ng publiko. 

Matatagpuan ito sa malapit sa City Hall ng siyudad. Ang pit stop ay may mga ilaw na solar-powered.

Tampok sa bike repair station ang mga gamit gaya ng pump, adjustable wrench, screwdriver, at iba pa para makapag-vulcanize at makapagkumpuni ng mga bisikleta. 

"Kumpleto po ito ng mga gamit para sa biglaang repair ng mga siklistang masisiraan. Bukas po ito hindi lang para sa mga San Juaneño, pati na rin sa lahat ng siklistang nangangailangan ng emergency repair habang nasa San Juan," ani San Juan Mayor Francis Zamora sa kaniyang Facebook page. 

Bahagi ang pit stop ng kasunduan na nilagdaan ng City Hall kasama ang Allianz PNB Life at German Embassy Manila "para mas mapalawak ang ating programa sa urban mobility gamit ang bisikleta bilang alternatibong transportasyon sa panahon ng pandemya," ani Zamora.

Ito'y sa gitna ng pagdami ng mga gumagamit ng bisikleta bilang transportasyon dahil sa limitadong public transport bunsod ng COVID-19 pandemic restrictions.

Inilunsad din ng city government ang isang bike-sharing program para sa mga empleyado nito. Mahigit 100 bisikleta ang inilaan ng City Hall na puwedeng hiramin ng mga empleyado kada linggo. 

Bukod dito, nagpakabit ang mga LGU ng bollards sa Pinaglabanan Street para sa bike lane. 

Watch more in iWantTFC

-- May ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.