Mga taga-Baggao, Cagayan nangangamba sa posibilidad ng landslide

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2020 09:19 PM

Nangangamba pa rin ang mga residente sa Taggao, Cagayan sa pagguho ng lupa matapos itong maranasan noong kasagsagan ng Bagyong Ulysses. ABS-CBN News

Namatay ang 2 anak at biyenan ni Francsico Pagulayan matapos matabunan ng gumuhong lupa sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses sa Barangay Tueg sa Baggao, Cagayan.

"Masakit. Talagang mahirap mawalan ng anak... Hindi naman nagla-landslide dito, ngayon lang nag-landslide," ani Pagulayan.

Natabunan ang ilang kabahayan sa tabi ng highway sa Barangay Tueg dahil sa lakas at dami ng ulang dala ng Bagyong Ulysses.

Nasa 33 barangay ang itinuturing na "high risk" sa landslide, ani Narcisco Corpuz, municipal disaster and risk reduction management office sa Baggao.

Watch more in iWantTFC

Nangangamba rin ang mga taga-Barangay San Francisco dahil unti-unting bumibigay tuwing may bagyo ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay sa tabing-ilog.

"Makukuha na 'yong bahay namin at lahat 'to," anang residenteng si Rodalyn Dayao.

Isa sa mga nakikitang solusyon ng lokal na pamahalaan ang pagtatanim ng kawayan sa mga landslide- at soil erosion-prone areas para patatagin ang lupa sa lugar.

Sariling sikap din ang mga taga-Barangay Taggat Sur sa Claveria, Cagayan para tanggalin ang bumarang mga kahoy at putik sa creek ng kanilang barangay matapos magka-landslide doon noong Bagyong Ulysses.

Nagdala ang ABS-CBN ng dagdag na pangunahing pangangailangan na pagkain at tubig-inumin sa mga taga-Baggao.

Patuloy na nananawagan ang ABS-CBN para sa pagbabayanihan at pagtulong sa pagbangon ng nga naapektuhan ng bagyo.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.