Halos 40 pamilya nasunugan sa Bacoor; naiwang gasera, tinuturong pinagmulan ng sunog

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2020 06:30 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Walang natira sa magkakatabing bahay sa Camia Street, Barangay Zapote Uno, Bacoor City, Cavite matapos tamaan ng sunog Miyerkoles ng gabi.

Nagsimula ang sunog bandang alas-6:30 ng gabi at tuluyang naapula pasado alas-8.

Sabi ng Bureau of Fire Protection, nasa P80,000 ang halagang natupok. Nanlumo ang halos 40 pamilya na naiwang walang matitirhan.

Sabi ng 56-anyos na si Edna Saes, malakas na ang sunog nang madatnan nila kaya wala na silang naisalbang gamit sa bahay.

Kasama niya ang asawa, mga anak at apo sa covered court ng barangay kung saan muna sila sisilong.

"Blangko na po 'yung utak ko. Nalulungkot, kasi paano kami magsisimulang lahat, wala po kami, totally talaga black out kami," ani Saes.

Tanging damit na lang din na suot-suot ang naiwan kay Jonalyn Nasam, kaya pare-pareho sila nananawagan ng tulong.

"Ipapaayos pa rin namin tong bahay kahit barong-barong na lang po. Siyempre kailangan namin ng unang-una pananamit namin kasi wala kaming naisalba, saka gamit namin pagluluto. Natural po yung pinansyal, kasi wala naman kaming pagkukunan. Walang trabaho ang iba," ani Nasam.

Ayon kay Kagawad Argie Gaspi, isang gasera na naiwang nakabukas ang tinuturing mitsa ng sunog. Iniimbestigahan pa ito ng BFP.

Naghahanda pa ang lokal na pamahalaan ng kanilang iaabot na tulong sa mga nasunugan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.