Trapiko posibleng sumalubong sa SEA Games delegates na gagamit ng NLEX

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2019 07:47 PM | Updated as of Nov 26 2019 07:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Inaasahang bibigat ang daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway sa pagsisimula ng Southeast Asian Games, na posibleng makaapekto sa transportasyon ng mga delegado na dadalo sa mga palaro. 

Ayon kay Robin Ignacio, tagapagsalita ng NLEX Traffic Operations Center, inaasahan ang pagtaas ng volume ng mga taong gagamit sa expressway, na daraanan ng mga motorista bago makarating sa venues na gagamitin sa Clark, Tarlac, Subic, at La Union. 

"Masasabi natin ang pagdadaos ng SEA games makakadagdag talaga ng volume dito sa NLEX. Pero makikita na normal pa rin ang ating daily traffic management," ani Ignacio. 

Para mabawasan ito, maglalatag ng eksklusibong toll booth ang NLEX para sa mga delegates na pupunta at aalis ng mga sporting venues. 

Magpapatupad din daw ng stop and go scheme ang NLEX sa SEA Games at suspendido din ang roadwork mula November 30 hanggang Disyembre 11 sa Subic - Clark - Tarlac Expressway at South Luzon Expressway. 

Magiging problema lang ayon kay Ignacio ang Southbound lane papasok ng Metro Manila bunsod ng Skyway construction. 

"We can only do so much to reduce congestion doon, inaasahan kapag convoy ng delegates magagawan ng paraan ng ating mga kasamahan sa PNP," ani Ignacio. 

Bubuksan naman ang bagong interchange na gagamitin papunta at paalis ng Philippine Arena sa Bulacan pero isasara rin pagkatapos ng opening ceremony. 

Sa Nobyembre 29 bubuksan ang daan mula arena patungo sa southbound lane ng NLEX. Bubuksan naman sa Nobyembre 30 ang rampa galing sa Norte at papasok ng arena. 

Nagsuspinde na rin ng klase ang ilang paaralan para makabawas sa trapiko. 

  • Arellano Law School - Disyembre 2 hanggang Disyembre 7 
  • St Scholastica - Disyembre 2 hanggang Disyembre 7 
  • St Paul College Pasig - Disyembre 2 hanggang Disyembre 6
  • St Pedro Poveda Collega - Disyembre 2 hanggang Disyembre 6

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games