SEA Games venues sa Pampanga, high-tech ang monitoring

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2019 05:02 AM

PAMPANGA—High-tech ang monitoring ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng competition at staging venues ng SEA Games sa Pampanga.

Gamit ang SEA Games activity monitoring system tracker na may GPS, nakikita sa LED screen ang galaw at lokasyon ng lahat ng deployed personnel nila.

Mula Nobyembre 20 hanggang Disyembre 11, naka-deploy ang mga pulis sa iba't ibang lugar sa lalawigan.

Handa na rin ang karamihan sa mga competition venues tulad ng lawn bowls.

Kakatapos lang din ng terrain para sa sports na petanque na parehong nasa Clark Freeport Zone.

Samantala, tila naghahabol naman sa oras ang competition venue ng rugby sevens sa Clark Parade Grounds.

Kagabi, abala pa rin sa pagwe-welding ng mga bakal at pag-aayos ng bleachers.

Sa lugar na padarausan naman ng mga dance sports sa Royce Hotel, hihintay pa ang mga ilalagay na kahoy para sa dance floor na gagamitin sa iba't ibang kategorya ng competitive ballroom.

Pero kung abala ang ibang atleta sa pageensayo ilang araw bago ang SEA Games, ang Kapampangan regional at national game of skate champion na si Arianne Mae “Kiddo” Trinidad, sa mga park pansamantalang nagpa-practice.

Nauna na raw kasing sinasabi sa kaniya ng mga organizers na wala siya sa listahan ng national team, pero nang i-check niya ang official website ng SEA Games, laking gulat niyang nando'n pa rin ang kaniyang pangalan.

Masakit ang loob ni Trinidad, dahil tila, handpicked lang ang mga manlalarong na-qualify sa Philippine team. Giit niya maraming nasayang na panahon na naituon sana sa matinding pageensayo.

"Hindi naman po ako naka-focus sa allowance, naka-focus po tayo sa laban," aniya.

Gayun pa man, desidido pa ring lumaban si Trinidad para sa bayan.

"Kukuha tayo ng medals, gold silver o bronze pa 'yan, basta meron tayo," aniya.

Women's game of skate ang kategoryang sasalihan ni Trinidad na magaganp sa skate park sa Tagaytay.

Samantala, may paalala naman ang mga awtoridad sa mga manonood..

"Bawal po 'yong bottled water... naka-bullcap... naka-backpack... payong... at pagpaplipad ng drone. 'Yong hindi maiwasang magdala ng bag, pinakikiusapan magdala ng clear bag para makita na kaagad, hindi na kailangan bulatlatin" ani Police Col. Jean Fajardo, provincial director ng Pampanga police.

2019 SEA Games