Pulis na tumulong magpaanak ng babae sa tricycle hinangaan

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2019 05:15 PM

Nag-viral sa social media ang isang video tampok si Police Staff Sgt. Godwhin Lladones ng Sorsogon City, na tumutulong sa pagpapaanak ng isang babae sa loob ng tricycle. ABS-CBN News

Hinangaan ng mga tao sa social media ang isang pulis na tumulong sa isang babaeng napaanak sa loob ng tricycle sa Sorsogon City.

Sa Facebook, ibinahagi ng netizen na si Dhen Lladones ang video tampok ang kaniyang kapatid na si Police Staff Sgt. Godwhin Lladones, na abalang tumutulong sa pagpapaanak sa babaeng sakay ng nakaparadang tricycle.

Umani ng libo-libong reactions at views ang nasabing video, at maraming netizen ang nagpahayag ng paghanga sa pagtulong ng pulis.

Ayon kay Godwhin, galing siyang flag-raising ceremony noong Lunes nang biglang huminto sa tapat ng Sorsogon City Police Station ang tricycle at humingi ng tulong ang driver nito dahil manganganak na ang pasaherong si Jocelyn Bandola.

Limang kilometro pa ang layo ng ospital mula sa police station.

Registered nurse si Godwhin at dating nagtrabaho bilang volunteer nurse ng Sorsogon Provincial Hospital kaya hindi na raw bago sa kaniya ang pagpapaanak.

Office supply ang ginamit ni Godwhin para putulin ang umbilical cord ng bata.

Matapos manganak, agad dinala sa ospital ang mag-ina.

Labis naman ang pasasalamat ni Bandola kay Godwhin dahil sa pagtulong nito.

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.