PatrolPH

Lalaking nagmo-motorsiklo, patay matapos magulungan ng truck sa CDO

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2019 12:22 AM

CAGAYAN DE ORO - Patay ang isang lalaking nakamotorsiklo matapos magulungan ng isang trailer truck sa lungsod na ito Lunes ng hapon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sana mula sa trabaho ang biktima na si Tristan Jay Abella sakay sa minamanehong motorsiklo nang mangyari ang insidente sa Cugman highway.

"Unfortunately, ang outer lane is under construction. Nag-full brake ang biktima pero hindi agad huminto ang motorsiklo dahil sa loose gravel hanggang natumba at nagulungan siya ng trak," ani traffic investigator na si Police SSgt. Noel Perpetua.

Depensa ng driver ng trak, hindi niya namalayan ang aksidente.

"Hindi ko alam na nasa gilid pala siya ng trak kasi naka-focus ako sa daan dahil traffic. Nagulat na lang ako nang sinita ako ng mga tao," saad ni "Miguel."

Mula sa bayan ng Villanueva sa Misamis Oriental ang trak na may kargang feeds na idedeliver sana sa Barangay Macabalan sa lungsod nang mangyari ang insidente.

Nakakulong sa Cugman Police Station ang driver ng trak at sasampahan siya ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.