Ilang ni-recruit para mangutang sa financing company, tinakbuhan ng recruiter

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2019 07:13 PM | Updated as of Nov 26 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagreklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga biktima ng panibagong modus, na nabaon sa utang matapos ipagamit ang kanilang mga pangalan at umutang sa isang financing company.

Ayon sa reklamo ng mga biktima, ni-recruit sila para magkunwaring mga kostumer sa mga mall at bumili ng gadget.

Kasabay nito, pinag-apply sila ng utang sa isang financing company para makakuha ng pambayad.

Ibinigay naman umano sa recruiter ang gadget.

Binayaran daw sila ng P4,500 bilang kapalit.

May hati pa raw sila kapag nabenta ang gadget at ang recruiter na rin daw ang magbabayad ng utang sa financing company.

Pinangakuan din ang mga biktima ng komisyon kapag may ibang na-recruit.

Sa kabila ng mga pangako, tinakbuhan ng recruiter ang mga biktima kaya ang mga ito ngayon ang sinisingil ng lending company.

Ayon kay Fitzgerald de Leon, sales associate ng kompanyang Home Credit, naghigpit na sila sa pagpapautang.

"Sobrang dami po, bale ang losses po namin is almost P6 milyon," ani De Leon.

Nagbabala rin ang NBI laban sa scam lalo at ang mga biktima ang obligadong magbayad.

"Huwag na silang papatol sa ganitong klaseng modus operandi na pinapangakuan sila na bibigyan sila lalo na 'pag may nahikayat pa silang iba," ani Irvin Garcia, hepe ng NBI Anti-Fraud Division.

"Parang pyramiding, investment scam," dagdag ni Garcia.

Tinutugis na ngayon ng NBI ang mga nagsimula ng scam, na maaaring makasuhan ng estafa.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.