Mga senador, nabahala sa pagdami ng mga manggagawang Chinese sa Pinas

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2018 06:51 PM | Updated as of Nov 26 2018 08:22 PM

Watawat ng China na itinayo sa Roxas Boulevard sa Maynila noong Nobyembre 19 para sa pagbisita sa bansa ni Chinese President Xi Jinping. Mark Demayo, ABS-CBN News

Sinimulan ngayong Lunes ng Senado ang imbestigasyon nito sa pagdami ng mga ilegal na manggagawang dayuhan sa bansa, partikular ang mga manggagawang Chinese.

Ayon kay Sen. Joel Villanueva, na namumuno sa imbestigasyon, kailangang silipin ang isyu para makita kung inaagaw na ng mga dayuhan ang mga trabaho sa bansa na dapat ay para sa mga Filipino.

"Malinaw po na inaagawan ng hanapbuhay at ikabubuhay ng mga illegal foreign workers ang mga kababayan natin sa sarili nating bayan," sabi ni Villanueva, ang chairperson ng Senate labor committee, sa simula ng pagdinig.

Sa 115,000 alien employment permits (AEPs) na ibinigay mula 2015 hanggang 2017, nasa 50,000 rito ay ibinigay sa mga Chinese, kabilang ang mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), sabi ng mga labor official sa pagdinig.

Pero ayon kay Villanueva, base sa kaniyang obserbasyon, posibleng mas malaki pa ang bilang ng mga Chinese na nagtatrabaho sa Pilipinas kumpara sa tantiyang ibinigay ng mga labor official.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Personal ko hong nakita parang may people power ang China doon," sabi ni Villanueva, na binanggit ang kaniyang mga obserbasyon sa ilang lugar sa Makati at Pasay.

"'Yong 50,000 na sinasabing AEPs, kulang na dito sa nabanggit natin. Definitely something is wrong," dagdag ng senador.

Pinuna naman ni Sen. Risa Hontiveros ang pagkuha sa mga Chinese bilang construction workers, trabahong kaya naman daw gampanan ng mga Pinoy.

Humingi naman si Sen. Nancy Binay ng detalyadong ulat kung may nade-deny o tinatanggihan bang aplikanteng Chinese.

Samantala, kinastigo naman ni Sen. Franklin Drilon ang buhol-buhol na proseso sa pag-isyu ng working permit sa mga banyaga.

Ayon naman kay Sen. Grace Poe, dapat nang inspeksiyunin ang mga job site at agad ipa-deport ang mga dayuhang ilegal na nagtatrabaho sa bansa.

Nangako naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) na lalong paiigtingin ang pagsugpo sa mga ilegal na banyagang manggagawa sa susunod na taon, lalo at nakikita na raw ng ahensiya na kada taon ay hindi bababa sa 10 porsiyento ang itinataas ng bilang ng mga Chinese na nagpupunta sa Pilipinas para magtrabaho.

Ikinasa ang imbestigasyon matapos ang sunod-sunod na pagsalakay ng mga awtoridad sa mga lugar na walang kaukulang papeles at pinagtatrabahuhan ng mga Chinese.

Kamakailan, isang gusali ang sinalakay sa Pasig City kung saan nahuli ang 93 Chinese at 11 Pinoy dahil sa pagpapatakbo umano ng ilegal na online gambling o sugal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.