Lalaking sinita sa pag-ihi, huli rin sa droga

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2018 03:58 PM

Hinuli ng pulisya noong gabi ng Linggo sa Quezon City ang isang lalaking sinita dahil sa pag-ihi sa pampublikong lugar, pero pagkatapos ay nakuhanan din ng droga.

Nakuha sa lalaki ang 5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalagang P30,000 matapos siyang kapkapan kasunod ng pagsita sa kaniya ng mga pulis dahil sa paglabag sa city ordinance na nagbabawal sa pag-ihi sa mga pampublikong lugar.

Pinabulaanan ng lalaki na nagtutulak siya ng droga pero umaming gumagamit siya nito dahil sa problema sa pamilya.

Samantala, naaresto rin ang apat na magkakasintahan sa isang buy-bust operation sa Barangay San Roque sa parehong lungsod.

Nakuha ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang 16 na sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Nahaharap ang mga nahuli sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. --Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.