PatrolPH

2 patay sa pamamaril sa Lower Bicutan

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2018 09:21 AM

MAYNILA - Patay ang dalawang indibidwal sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Lower Bicutan, Taguig City, Linggo ng gabi.

Dead on the spot ang 31 anyos na si Bryan Victoria na kagagaling lamang sa lugar ng kanyang kapatid malapit sa Mulawin Street.

Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng hindi bababa sa walong putok ng baril. Ngunit hindi na anila nakita kung sino at ilan ang mga hindi pa nakikilalang salarin.

Hindi pa matukoy ng pulisya ang motibo sa krimen pero napag-alaman nilang nakulong na dati ang biktima sa dahil kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Samantala, sa hindi kalayuan, isang babae naman ang pinagbabaril hanggang sa mapatay sa Marinduque Street.

Ayon sa mga tao sa lugar, nakaupo lang ang biktima sa harap ng isang tindahan, nang biglang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Giit ng mga residente, hindi nila kilala ang biktima na posibleng dayo lang sa lugar. Inaalam na ng Taguig police ang motibo at kung may koneksiyon ba ang dalawang kaso ng pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.