Student activists sa Maynila magbibigay ayuda sa Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2017 10:05 AM

MANILA - Tutulak pa-Mindanao ang ilang student leaders mula sa Metro Manila upang maghatid ng ayuda sa mga batang biktima ng digmaan sa Marawi at iba pang sakuna.

Libo-libong residente ng Marawi ang hindi pa nakakabalik sa kanilang mga tahanan kahit pa natalo na ng pamahalaan ang Maute at Abu Sayyaf fighters na kumubkob sa lungsod mula Mayo 23 hanggang Oktubre 23.

Pangungunahan ng mga grupong Save Our Schools Network, Kalinaw Youth Network at Manila Youth Act Now ang outreach program na "Paskuhang Bakwit" para sa mga taga-Marawi. Lalahok din dito ang ilang estudyante ng University of the East, Far Eastern University, University of the Philippines, Adamson, at Arellano University.

Target ng mga kabataan na magbigay ng psycho-social intervention, kabilang ang art sessions, storytelling, mga palaro, cultural presentation at mga regalo, sa mga batang bakwit.

Kinondena rin ng grupo ang umano’y militarisasyon sa iba pang bahagi ng Mindanao at pagpapasara ng mga tinaguriang Lumad schools.

Magtatagal sa Mindanao ang mga student leader mula Disyembre 16 hanggang 21. Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.