Battery device gamit ang lata ng softdrinks, sagot sa brownout

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2017 07:10 PM

Isang grupo ng mga mag-aaral mula sa Technological Institute of the Philippines (TIP) ang naka-imbento ng battery device gawa sa mga recycled na lata ng softdrinks at tubig mula sa Laguna de Bay.

Ito ngayon ang isa sa mga napagkukunan ng kuryente ng mga residente sa isla ng Talim sa lalawigan ng Rizal.

Karaniwang nakakaranas ng brownout ang mga residente ng isla ng Talim dahil sa madalas na pag-ulang may kasamang malakas na hangin.

Nakakapagpatumba ito ng mga poste ng kuryente, na karaniwang inaabot ng dalawang linggo bago maayos dahil sa layo ng lugar.

Ang hindi alam ng mga residente, may mapapagkunan sila ng enerhiya sa kanilang bakuran, ang tubig sa Laguna de Bay.

Ayon sa Laguna Lake Development Authority, mababa na ang kalidad ng tubig sa lawa dahil sa metal at toxic pollutants dito.

Maaari na lamang gamitin ang tubig para sa fishery at recreation activities.

Ngunit ang ganitong klase ng tubig ang may ions, isang chemical compound na may electric charge at nakakalikha ng kuryente.

Para mapakinabangan ang ions na ito, bumuo ang mga estudyante ng TIP ng submerged battery device na tinatawag na "Ilawa."

Gawa ito sa aluminum cutouts mula sa lata ng softrdrinks, activated carbon mula sa water filters na binalot sa net at copper wires.

Sa naturang disenyo, nae-expose ang electrodes sa tubig na nagsisilbing electrolyte.

Kapag nagkaroon ng chemical reaction ay magkakaroon ng kuryente na magpapailaw sa LED sa device.

"In order to produce chemical reaction, the polluted water has to be exposed to a metal...We chose the aluminum from used soda cans to also encourage recycling," paliwanag ni Dranreb Earl Juanico, director ng TIP Research and Development Management Office.

Dagdag pa nila, nagamit nila ang maduming tubig sa lawa para makatulong sa mga residente.

"We took something bad and made something good out of it...We used the water pollution in the lake to provide electricity," paliwanag ni Juanico.

Makatutulong ang naturang imbensiyon hindi lamang para pailawin ang mga bahay at kalsada sa Talim Island dahil magagamit rin ito ng mga mangingisda sa tuwing papalaot sa gabi.

Madali rin itong gawin at environment-friendly kumpara sa kerosene at standard na battery-powered light na karaniwang ginagamit ng mga residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.