Babaeng 4 na buwang nawala, natagpuang patay sa Lucena

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2017 10:38 AM

Makikita ang biktimang si Clariza Ong sa larawang ito mula sa kanyang pamilya.

LUCENA, Quezon - Nahukay ang bangkay ng isang babaeng 4 na buwan nang nawawala sa tabing-dagat ng lungsod na ito, Biyernes ng gabi.

Nitong Hulyo pa hinahanap ang biktimang si Clariza Ong, 31, ng kaniyang ina na si Evelyn Mercado.

Ani Mercado, kahit ipina-ampon niya sa isang mayamang pamilya si Ong noong bata pa ito, may komunikasyon naman sila kaya nagtaka siya nang hindi na ito tumatawag o nagte-text sa kanya.

Nitong Biyernes, lumapit kay Mercado ang isang taong nakakita umano sa pagbaon sa katawan ni Ong sa Barangay Dalahican. Dito na nagpasya ang ginang na idulog ang impormasyon sa pulisya, dahilan para mahanap doon ang naagnas na bangkay ng isang babae.

Positibong kinilala ni Mercado ang biktima batay sa tattoo nito sa katawan at suot na damit.

Inamin ng ginang na pasaway ang anak at pala-barkada. Minsan na rin aniya itong napagkamalang informant ng mga pulis.

Panawagan niya sa mga salarin, "Kung maaari po naman ay kayo'y makonsensya, tulungan n'yo naman kami kung sino talaga ang may kagagawan."

Iniimbestigahan pa ang sanhi ng pagkamatay ni Ong. Ulat ni Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.