7 sugatan sa karambola sa Pasay

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2017 07:39 AM

MANILA - Dalawang ang malubhang sugatan habang 5 naman ang nagtamo ng minor injuries sa karambola ng sasakyan sa Macapagal Boulevard, Pasay City Linggo ng madaling araw.

Ayon kay SPO4 Mario Inserto ng Pasay Police lasing ang driver na si Ke Zhiquin at matulin ang kanyang takbo sakay ang itim na SUV
habang binabaybay nito ang Macapagal Blvd.

Hindi umano napansin ni Zhiquin ang van na nasa harapan niya kaya nabangga niya ito sa likod, napakabig ito sa kanan kaya sumalpok rin siya sa isang signage at sa nakaparadang tow truck.

Wasak ang harapan at passenger side ng SUV habang yupi naman ang likod ng van st tow truck.

Itinakbo sa San Juan de Dios Hospital ang isa sa mga pasahero ng SUV matapos mabalian ng buto sa binti, habang may fracture naman sa kaliwang balikat ng isa ring Chinese. Hindi naman sugatan ang driver.

Nagtamo ng bukol sa ulo ang driver ng van na si Reynante Flores habang hindi naman magalaw ng pasaherong si Naida Palomar ang kanyang braso. Nagkabukol rin sa ulo at bugbog ang balikat ng pasahero at driver ng tow truck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.