PatrolPH

Lorenzana bumuwelta sa pagpapaalis ng China sa barko ng Pinas sa Ayungin Shoal

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2021 02:16 PM

MAYNILA — Bumuwelta si Defense Secretary Delfin Lorenzana ngayong Huwebes matapos ihayag ng China na dapat nang alisin sa Ayungin Shoal ang barko ng Pilipinas na BRP Sierra Madre.

May dalawang dokumento ang Pilipinas na nagpapatunay na may soberanya ito at nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa ang Ayungin Shoal, sabi ni Lorenzana sa isang Facebook post.

Habang ang China aniya'y walang hawak na patunay at wala ring basehan ang pag-angkin sa Ayungin Shoal, batay na rin sa 2016 arbitral award at 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea na niratipikahan mismo nito.

"Ayungin Shoal lies within our EEZ where we have sovereign rights. Our EEZ was awarded to us by the 1982 UNCLOS which China ratified," ani Lorenzana.

"Furthermore, the 2016 Arbitral award ruled that the territorial claim of China has no historic nor legal basis. Ergo, we can do whatever we want there and it is they who are actually trespassing," aniya.

Sa isang press conference nitong Miyerkoles, muling sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng kanilang Nansha Qundao, ang Chinese name ng Spratly Islands kung saan may mga bahaging inaangkin rin ng Pilipinas.

Idine-demand ng China na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, ayon umano sa naunang commitment ng Pilipinas.

Sagot ni Lorenzana dito: "As far as I know, there is no such commitment."

"That ship has been there since 1999. If there was a commitment, it would have been removed long time ago," dagdag niya.

Ang resupply mission na nangyari sa Ayungin Shoal nitong Martes ay "provisional" at may "special arrangement" sa ngalan ng "humanitarian considerations," ani Zhao.

Bago nito, hinarangan ng Chinese Coast Guard ang supply mission ng bansa para sa mga sundalong Pinoy na naka-deploy sa BRP Sierra noong Martes ng nakaraang linggo. Ginamitan pa nila ng water cannon ang mga bangka ng Pilipinas.

Patuloy na hindi kinikilala ng China ang 2016 arbitration award.

Ilang mga bansa ang nanawagan ng kapayapaan sa South China Sea at pagsunod sa international rules, gaya ng UNCLOS at arbitral decision. 

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.