PatrolPH

Ina patay matapos isalba ang nalulunod na anak sa Ilocos Sur

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2021 11:50 PM

Kuha ng PNP Salcedo, Ilocos Sur
Kuha ng PNP Salcedo, Ilocos Sur

Nasawi ang isang 33-anyos na ina matapos niyang sagipin mula sa pagkalunod ang kaniyang 10-anyos na anak sa bayan ng Salcedo sa Ilocos Sur, Miyerkoles ng hapon. 

Ayon sa hepe ng Salcedo Municipal Police Station na si Police Lt. Marc Corpuz, naliligo ang ina kasama ang kaniyang anak at pamangkin sa Buaya River sa Brgy. Poblacion Sur nang mapansin niya na nalulunod ang kaniyang anak kaya dali-dali niyang pinuntahan ito para isalba.

Nahila ng ina ang kaniyang anak patungo sa gilid ng ilog pero, dahil sa malalim ang pinangyarihan ng lunod, na tinatayang nasa 10 talampakan, hindi kinaya ng biktima na maisalba ang sarili. 

Hindi umano rin niya alam lumangoy.

"Noong napansin ng mga bata na hindi umaangat ang nanay ay humiyaw na po sila hanggang may nakapansin at ikwinento ng mga bata ang nangyari," ani Corpuz. 

Sinubukan pa ng mga rescuer na i-revive ang biktima pero nang hindi raw makitaan ng vital signs ang babae, ay itinakbo siya sa ospital kung saan siya idineklarang dead on arrival. 

Ipinagbabawal na ang pagpunta ng mga residente sa bahagi ng ilog kung saan nangyari ang insidente.

— Ulat ni Grace Alba

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.