PatrolPH

Hinihinalang snatcher pinaputukan ng SWAT sa Caloocan

Mico Abarro, ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2021 11:43 PM

MAYNILA - Sugatan ang isang hinihinalang snatcher na nakamotor pagkatapos siyang paputukan ng mga awtoridad malapit sa R. Papa LRT Station sa Caloocan Huwebes.

Nangyari ang pamamaril bandang 4:30 ng hapon. Bago mangyari ang insidente, hinablot umano ng lalaki at ng isa pa niyang kasamahan ang cellphone ng isang babae sa Barangay 57.

Ayon kay Hermosa Police Community Precinct Commander Police Major Joseph Jimenez, tinangkang tumakas ng mga lalaki patungong Manila sa Rizal Avenue, pero nakahingi ng tulong ang biktima sa pulis.

Kita sa CCTV ng Barangay 187 na humarang sa southbound lane ng Rizal Avenue ang mga taga Manila Police District SWAT Team para pigilan ang pagtakas ng mga lalaki.

Isang beses silang pinaputukan ng mga operatiba, dahilan para bumagsak ang mga umanong riding-in-tandem sa sinasakyan nilang motorsiklo.

"Nagkaroon sila ng commotion at dun nga, nabaril ang isang suspek," sabi ni Jimenez.

Kasalukuyang ginagamot ang hinihinalang snatcher sa Jose Reyes Medical Center sa Manila. 

Sabi ng mga awtoridad, maaari siyang sumailalim sa operasyon dahil sa sugat na tinamo niya. 

Samantala, nasa kustodiya ng mga pulis ang kanyang kasamahan. Sasailalim sila sa inquest pagkatapos gamutin ang lalaki sa naturang ospital.

Tinurn-over na din ng Manila Police District ang kaso sa Caloocan City Police. Nagpapatuloy pa din ang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.