MAYNILA - Nasa 78,000 na jeepney operators ang makatatanggap ng fuel subsidy na nagkakahalagang P7,200 bilang tulong ng gobyerno sa mga drivers sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Good news po. According to Land Bank, as of yesterday, they were already able to credit the amount of P7,200 to around 78,000 beneficiaries. So ‘yun pong merong existing PPP cards, they have to check po sa ATM nila ‘yung account balance. Again, we would like to put emphasis that this should be used for fuel purchases po,” pahayag ni Atty. Zona Russet Tamayo, Regional Director at Legal Division OIC ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang fuel subsidy program ay inilunsad kasabay ng ceremonial signing ng Joint Memorandum Circular (JMC) sa pangunguna ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB sa pagitan ng iba pang ahensiya kabilang na ang Department of Energy (DOE), Department of Budget and Management (DBM) at Land Bank of the Philippines (LBP).
“Sa pamamagitan nitong programa na ito, Mamang Tsuper, nawa’y inyong patuloy at buong-puso niyong gampanan ang inyong mahalagang papel at tungkulin sa ating mga commuter. Maagang aguinaldo po ito para sa ating mga kasamahang tsuper para maging Merry ang kanilang Christmas,” ayon Transportation Secretary Art Tugade.
Higit 136,000 public utility jeepney operators o franchise holders ang kwalipikadong benepisyaryo ng programa, habang 85,000 sa mga ito ang mayroon ng active Pantawid Pasada Program (PPP) ATM cards mula noong 2018-2019. Mula sa bilang ng active PPP ATM card holders, nasa 78,000 operators ang maaari nang gumamit ng subsidiya para sa pagpapakarga ng krudo ng kanilang mga drivers.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, ang P1 bilyong halaga ng fuel subsidy ay tulong ng pamahalaan sa mga PUJ drivers at operators. Ang pondo na ginamit para sa program ay mula sa 2021 General Appropriations Act (GAA) na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamamagitan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
“Kailangang tulungan natin ang transport sector lalong lalo na ang mga tsuper at operator ng public utility jeepneys o PUJ, hindi lamang para maibsan ang gastusin sa araw-araw na pagmamaneho pero higit pa para masiguro ang pagpapatakbo ng pampublikong sasakyan para sa ating mas nakakaraming mananakay,” ani Delgra.
Pareho namang nagpahayag ng suporta ang DOE at LBP, na mga katuwang ng DOTr at LTFRB, sa implementasyon ng programa.
Maaaring gamitin ang fuel subsidy para ibayad sa ikinargang krudo mula sa mag gas stations na nakiki-isa sa programa. Kabilang dito ang mga gas stations ng Petron, Shell, Seaoil, Total, Jetti, Rephil, Caltex, Petro Gazz, at Unioil.