PatrolPH

Jeep na may mga 'sabit,' motoristang may pekeng lisensiya huli sa Rizal

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2021 02:37 PM

Sinita ng Inter-Agency Council for Traffic ang ilang motoristang lumalabag sa health protocols sa Taytay, Rizal. Retrato mula sa I-ACT
Sinita ng Inter-Agency Council for Traffic ang ilang motoristang lumalabag sa health protocols sa Taytay, Rizal. Retrato mula sa I-ACT

Nahuli ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang apat na pampublikong sasakyan na lumalabag umano sa 70 porsiyentong seating capacity sa Taytay, Rizal.

Kabilang sa mga natiketan nitong Miyerkoles ang isang jeep na natiyempuhang may mga nakasabit pang pasahero.

Ayon sa I-ACT enforcers, biglang pinapasok ang mga nakasabit na pasahero sa loob ng jeep bago umabot sa Manila East Road, kung saan sila nagsasagawa ng operasyon.

Umabot sa 82 motorista ang natiketan ng mga enforcer, kalahati sa mga ito sa unang 20 minuto ng operasyon.

Nahuli rin ang isang motorcycle rider na hindi nakasuot nang tamang helmet.

Nang hingan ng lisensiya, natuklasang peke pala ang ipinakita ng rider.

Dahil ilang beses na ring nakakahuli ang i-ACT ng mga motoristang may pekeng lisensya, nagpaalala sila sa publiko na iwasan ang mga nag-aalok ng tulong para makakuha ng lisensya online dahil posibleng peke lang din ang maibigay nito sa mahal pang halaga.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.