PatrolPH

PH itinakda sa P3,800-P5,000 ang presyo ng COVID-19 swab tests

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2020 02:19 PM | Updated as of Nov 25 2020 05:37 PM

PH itinakda sa P3,800-P5,000 ang presyo ng COVID-19 swab tests 1
Sumasailalim sa swab test ang mga dumadating na pasaheor sa NAIA Terminal 1 noong Oktubre 28, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Nagtakda na ang gobyerno ng presyo ng swab test para sa coronavirus disease. 

Inanunsiyo ngayong Miyerkoles ng Department of Health na pumirma na sila ng joint order kasama ang Department of Trade Industry (DTI) para sa price range ng COVID-19 testing na P3,800 sa public testing facilities.

Watch more on iWantTFC

Nasa P4,500 hanggang P5,000 naman ang presyo ng testing sa mga pribadong pasilidad.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nilagdaan ang joint order noong Martes at magiging epektibo sa oras na maisapubliko sa mga pahayagan.

Batay ang price range sa mga pag-aaral ng DOH at DTI sa kasalukuyang presyo ng mga test sa merkado.

Bago kasi ang utos, umaabot ng P10,000 o higit pa ang presyo ng polymerase chain reaction (PCR) test sa ilang pasilidad sa bansa.

Ayon din kay Duque, hindi siya sang-ayon sa pagsingil nang mas malaki para sa mas mabilis na paglabas ng resulta pero kung gagawin pa rin ito, hindi ito dapat lalagpas ng P5,000.

Kung mahuli ang isang facility na lumabag sa order, haharap sila sa suspensiyon at magbabayad ng multa.

Sa third offense, puwede nang matanggalan ang laboratoryo ng lisensiya.

Sa tala ng Department of Health ngayong Miyerkoles, umabot sa 422,915 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas matapos makapagtala ng 1,202 bagong kaso.

-- Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.