PatrolPH

Pagsasara ng U-turn slots sa EDSA mas nakaperwisyo pa: grupo

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2020 08:03 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nagdodoble, triple, hanggang apat na beses pa ang haba ng biyahe dahil sa tumitinding traffic ngayon sa bahagi ng EDSA, na isinisisi ng ilang motorista sa umano'y palpak na patakaran ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sinubukan ng ABS-CBN News na bagtasin ang northbound lane ng EDSA mula Quezon avenue papuntang Balintawak Market.
    
Habang papalapit ng LRT Roosevelt station ay nagsimula na ang pagbagal.

Hindi lumalagpas ng 10 kilometers per hour ang takbo ng mga sasakyan. Lumipas ang 20 minuto, pero wala pang 3 kilometro ang naibiyahe.

Habang papalapit sa Balintawak station, lalo pang sumasadsad sa 5-, 1-, hanggang 0-kph ang takbo.

Bahagya namang bumibilis kapag lumiliko na ang ilang sasakyan papuntang North Luzon Expressway hanggang U-turn sa Balintawak. 

Sa huli, inabot ng 40 minuto ang biyahe papuntang Balintawak Market. 

Mabilis naman ang southbound lane pero kung dati ay 10 minuto lang papunta sa malalaking malls dahil may U-turn slot sa North EDSA, ngayon ay aabutin na ito ng 15 hanggang 20 minuto dahil sa Quezon Avenue pa puwedeng mag U-turn.

Ganito ang araw-araw na problema ng mga motorista.

Pero kung apektado ang mga pribadong sasakyan, mas apektado ang mga pumapasada.

Ang mga may rutang Project 8 papuntang Quiapo, dati wala pang 300 metro ang U-turn slot pero ngayon, 2 kilometro na ito dahil kailangan pang pumunta ng Balintawak para makatawid sa kabila.

Kaya ang gastos sa krudo mula P150 ay naging P200.

Dagdag kabawasan pa ito sa kita lalo't hindi rin ngayon puwedeng punuin ang mga jeep. 

Si Leandro Neo, tsuper, P250 na lang ang naiuuwi sa 3 anak at ina.

"Kala namin makakabawi pero ganito pa, pahirap, puro krudo, talo sa oras," aniya. 

Ang call center agent na si Lance Bautista, nagdadalawang sakay o di kaya ay napipilitang mag-taxi dahil sa ginawa ng MMDA.

Tanong ng grupong Pasang Masda, bakit ni hindi kinonsulta ang transport sector bago isinara ang mga U-turn slots.

"Saan kami lulugar? Apektado 'yung mga jeep na tumatawid ng EDSA. Sana naman konsultahin kami," ani Obet Martin ng Pasang Masda. 

Ayon pa sa Pasang Masda, imbes tulungan ang mga driver na 7 buwang natengga dahil sa community quarantine ay lalo pang dinadagdagan ang kanilang kalbaryo. 

—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.