Nasa P25-M halaga ng taklobo nasabat sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2020 04:51 PM

Nasa P25-M halaga ng taklobo nasabat sa Palawan 1
Nasa 25,000 kilo ng shells ng giant clam ang nakumpiska mula sa suspek sa Bataraza, Palawan. Larawan mula sa Palawan Council for Sustainable Development.  

Tinatayang 25,000 kilo ng giant clam shells o taklobo na nagkakahalaga ng P25 milyon ang nasabat ng awtoridad mula sa isang lalaki sa bayan ng Bataraza sa Palawan.

Nahuli ng pinagsanib na pwersa ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at Naval Forces West si Junie Ocampo, 53-anyos, na ilegal na nangongolekta ng shells nitong Martes.

Matagal na umanong tinitiktikan ng operatiba ang pinag-iipunan nitong mga by-product sa Sitio Dandulit sa Barangay Buliluyan sa bayan ng Bataraza.

“November 20 pa natin unang tsinek ang lugar nung nakatanggap tayo ng information. Kaya kahapon, sumugod na ang operatiba dahil positive na may mga kinolekta ngang giant clams shells sa mismong tahanan niya lang,” pahayag ni Forester Jovic Fabello, tagapagsalita ang PCSD.

Hawak na ngayon ng isang opisyal ng barangay ang mga nakumpiskang taklobo habang dumaan naman sa inquest proceedings ang pagsampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Act sa nahuling suspect.

Watch more on iWantTFC

Pero buwelta ni Ocampo na tila paborable lamang daw sa mga gaya nilang nasa mababang antas ng lipunan ang ganitong mga batas.

Kumapit lamang daw ang gaya niya sa malaking kita na inaalok ng buyer ng mga taklobo. Inakala niyang hindi bawal ang ganitong aktibidad.

“Hindi ko po alam na bawal yan kasi laging may pumupunta dito sa amin na bibilhin daw. Hinihintay lang daw ang pirma ni Presidente para mabayaran kami kaso wala rin naman,” sabi niya.

Dagdag pa ni Ocampo na umabot na sa isang taon ang kaniyang ginagawang pagsisid at pangongolekta ng taklobo, pero hindi pa naman daw siya nabibilhan ng mga nangakong buyer.

“Isang taon na ako sir na kapag nangingisda, sinasabay ko na ang pagsisid niyang mga taklobo. Iniipon namin kasi bibilhin daw ng bultuhan ng buyer 'to,” sabi niya.

Sa ilalim ng Wildlife Act, kapat napatunayan na ilegal ang pangongolekta at pagbebenta ng taklobo ay maari itong mapatawan ng 2 hanggang 4 na taong pagkakakulong, bukod pa sa P5,000 hanggang P300,000 na multa.

Sa tala ng International Union for Conservation of Nature o IUCN Red List, nabibilang na sa threatened species ang giant clams, kaya dapat itong mapangalagaan.

“Nanganganib na maubos ang mga 'yan, na kalimitan ay ginagawang decorations na 4 times ang itinataas na presyo mula doon sa pagbili ng shells lang. Pinag-aaralan pa kung kasama na ba ito sa mga produktong nasa black market natin,” sabi ni Fabello.

Ayon sa PCSD, malaki ang importansiya ng mga taklobo sa pagpapanatili ng kalinisan sa dagat at pagbalanse ng marine ecosystem, lalo pa na isa ito sa nag-aambag sa dami ng buhangin sa dagat.

- Ulat ni Rex Ruta