Nasa 5,000 tanim na marijuana, nadiskubre sa plantation sa Benguet

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2020 06:38 AM

MAYNILA - Nadiskubre ng mga awtoridad ang isang plantation site ng marijuana sa Sitio Basi sa bayan ng Kibungan, Benguet. 

Batay sa inisyal na impormasyon mula Kibungan Municipal Police nitong Martes, nagkasa ng operasyon ang pulisya at PDEA matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano'y 500 square meters na bakanteng lote na nagsisilbing marijuana plantation site sa nasabing sitio.

Tumambad sa kanila ang nasa 5,000 tanim na marijuana na nagkakahalaga ng P500,000. Agad binunot at sinunog ng mga operatiba ang mga marijuana.

Magugunitang nitong Sabado lang ay nadiskubre rin ng pulisya ang dalawang marijuana farm sa Sitio Lepsik at Sitio Mabilig, na parehong nasa Brgy. Kayapa sa naturang bayan.

Binunot at sinunog ng mga operatiba ang nasa 1,160 tanim na marijuana na tinatayang nagkakahalagang P232,000.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa kung sino ang mga nasa likod ng nasabing marijuana plantation sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.