Ilang taga-San Simon, Pampanga nasa evacuation center pa rin matapos bahain

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2020 07:45 PM

Nasa evacuation center pa rin ang ilang residente ng San Simon, Pampanga matapos ang matinding pagbahang idinulot ng pag-apaw ng Pampanga River dahil sa bagyong Ulysses. ABS-CBN News

Tulad ng maraming residente sa Barangay San Pedro sa bayan ng San Simon, Pampanga, pangingisda ang hanapbuhay ni Reden Macapagal.

Pero naapektuhan ng matinding pagbahang dala ng bagyong Ulysses ang huli ng isda.

"Masaklap sa 'min... buhat noong dumating 'yong bagyong Ulysses, wala na, lahat ng pangingisda namin nasira," ani Macapagal.

Hanggang ngayon ay nasa evacuation center ang pamilya ni Macapagal dahil wala pa rin silang uuwian matapos anurin ng baha ang kanilang bahay.

"Walang-wala kami, paano namin maumpisahan ulit bahay namin kung pambili ng bigas, wala?" ani Macapagal.

Watch more in iWantTFC

Ayon kay Jerry Quiambot, chairperson ng Barangay San Pedro, nagmistulang ilog ang kanilang lugar dahil sa pag-apaw ng Pampanga River.

"Nag-ano kami ng halos 10,000 na sand bags, mga buhangin... pinaghandaan namin para 'pag nag-overflow man 'yong ilog, hindi lilipat sa kabila," ani Quiambot.

"Wala kaming nagawa, bumigay, 'di namin in-expect ganoon kalaki iyong tubig na dadaloy dito sa Pampanga River," aniya.

Nasa San Pedro National High School pa rin ang pamilya ni Macapagal, kasama ang iba pang lumikas na residente.

Nagdala sa kanila ang ABS-CBN ng 1,000 relief packs na naglalaman ng bigas, de-lata, inuming tubig at face masks.

Nagpapasalamat naman si San Simon Acting Mayor Leonora Wong sa mga nagpaabot ng tulong.

"Wala na kami halos pamigay, dumating ang ABS-CBN, hulog ng langit," anang alkalde.

Patuloy na nananawagan ang ABS-CBN para sa pagbabayanihan at pagtulong sa pagbangon ng nga naapektuhan ng bagyo. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.