Aplikasyon para sa SSS calamity loan package aarangkada sa Biyernes

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2020 06:11 PM

MAYNILA — Inanunsiyo ng Social Security System (SSS) nitong Miyerkoles na simula sa Biyernes ay maaari nang maka-claim ng calamity loan ang mga miyembro nilang nasalanta ng nagdaang mga bagyong Quinta, Rolly, at Ulysses.

"Ang loan assistance program na ito ay kasama po ang calamity loan assistance. Iyong loan ay puwede sila humingi ng 3 months advance pension sa SSS pensioners at easy pensioners. Puwede rin silang umutang... para sa kanilang nasalantang bahay," ani Aurora Ignacio, SSS president. 

Para makapag-claim ang miyembro ay dapat nakapaghulog sila ng 36 monthly contributions, at walang mintis sa nakaraang 6 na buwan. 

Dapat rin hindi pa sila nabibigyan ng ibang benepisyo ng SSS gaya ng permanent total disability benefit, retirement package, at wala ring outstanding loan o calamity loans. 

Tatlong buwan o hanggang Pebrero 26, 2021 ang roll-out ng assistance package ng SSS. 

Hinihikayat ang mga miyembro na bisitahin ang website ng ahensiya at i-update ang kanilang personal information para makatanggap ng mga abiso mula sa SSS sa text at email. 

Samantala, inanunsiyo rin ng SSS ang mga matatanggap na iba pang benepisyo sa susunod na linggo. 

"Iyong para sa 13th month bonus natin at saka iyong December pension na first half ay matatanggap na nila ngayong December 1," ani Ignacio. 

Nagpaalala naman ang SSS sa mga delayed na nagbibigay ng kontribusyon na mayroon na lang sila hanggang Nobyembre 30 para makapaghabol ng hulog para hindi sila patawan ng penalty, at walang maging gap sa kanilang record ng contribution. 

—Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.