PatrolPH

VP Leni bumuwelta matapos sibakin sa anti-drug body

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2019 06:36 PM | Updated as of Nov 25 2019 07:03 PM

Watch more on iWantTFC

Bumuwelta si Vice President Leni Robredo matapos siyang sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairperson ng komiteng inatasang sugpuin ang problema sa ilegal na droga.

Sa isang press conference, maraming katanungang binanggit si Robredo sa administrasyong Duterte kaugnay ng pagkakasibak sa kaniya, wala pang 3 linggo mula nang italaga sa Inter-Agency Committee on Illegal Drugs (ICAD).

"Hindi ba talaga sila seryoso sa laban o may interes ba tayong nabangga? Noong tinanggap ko ang trabahong ito, ang unang kong tinanong sa kanila ay handa na ba kayo sa'kin?" ani Robredo.

"Ngayon ang tanong ko, ano ba ang kinatatakutan ninyo? Ano bangkinatatakutan ninyong malaman ko? Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ng taumbayan?" dagdag niya.

Ayon kay Robredo, magbibigay siya ng ulat sa taumbayan para isiwalat ang kaniyang mga nalaman at para ibigay ang kaniyang mga rekomendasyon kaugnay ng war on drugs.

Tiniyak din ni Robredo na itutuloy niya ang laban sa ilegal na droga.

"Makakaasa kayo, kahit tinanggalan ako ng posisyon, hinding-hindi nila kayang tanggalin ang aking determinasyon," aniya.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, inalis si Robredo bilang tugon sa panukala ni Sen. Francis Pangilinan at sa hamon ng pangalawang pangulo na sabihan lang siya kung kailangan na niyang umalis. 

Hindi rin daw nagustuhan ng pangulo ang pakikipag-usap ni Robredo sa mga kinatawan ng Amerika at United Nations.

Siningil din ng Palasyo si Robredo sa umano ay kawalan ng konkretong programa.

Pero inamin din ni Robredo na hindi pa nababasa ng pangulo ang mga rekomendasyong sinumite ng pangalawang pangulo sa Palasyo.

Mula sa madugong paglipol ng mga pinaghihinalaang tulak ng droga, nais kilalanin ni Robredo ang problema ng droga bilang public health issue.

Sumablay din umano si Robredo nang humingi siya ng kopya ng mga high-value target na dawit sa ilegal na droga.

Pinagsabihan din siya ng pangulo na baka ipagkalat niya sa ibang bansa ang mga sekreto ng drug war.

Bago sibakin noong Linggo, nag-sorry pa si Duterte kaugnay sa fake news na nag-imbita ni Robredo sa isang prosecutor ng United Nations.

Nirerespeto naman ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police ang desisyon ni Duterte na sibakin si Robredo.

Ikinalungkot naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang nangyari.

Iginiit ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na ang posisyon ni Robredo ay nakaangkla sa tiwala ng pangulo sa pangalawang pangulo.

Nanghihinayang naman si Sen. Panfilo Lacson sa pagkakasibak kay Robredo lalo at nasa "right track" na raw ito sa pagtugon sa problema sa illegal drugs.

Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, pinatunayan lang ng pagkakasibak kay Robredo na walang isang salita ang administrasyon at palpak ang war on drugs nito.

Nanawagan naman si dating Commission on Human Rights chairperson Etta Rosales na ipagpatuloy ni Robredo ang laban nito kaugnay sa mga patayang nangyayari sa drug war. -- May ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.