Pulisya may paalala sakaling maholdap sa sinasakyang taxi

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2019 02:54 PM | Updated as of Nov 25 2019 06:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May ilang payo ang pulisya sa publiko sakaling maranasang maholdap habang nakasakay sa taxi.

Ito ay matapos mabuko ng mga pulis ang isang grupo ng mga taxi driver na suma-sideline umano bilang mga holdaper, na target ang mga banyagang babaeng pasahero.

Kapag sumakay ng taxi, mainam na ipaalam sa mga kapmilya o kaibigan ang plaka ng sasakyan, ayon kay Police Capt. Deni Mari Pedrozo ng Pasay police. 

Kung mabiktima man ng holdap sa taxi, manatiling kalmado at tandaan ang mga detalyeng maaaring makatulong sa imbestigasyon ng mga awtoridad, ani Pedrozo.

Inaresto ng mga pulis ang taxi driver na si Eric Icban sa may Macapagal Boulevard, Pasay City.

Nangholdap umano si Icban ng babaeng Chinese na sumakay sa kaniyang taxi noong madaling araw ng Linggo.

Habang sakay ang biktima ng taxi, sumakay rin ang mga lalaking kasabwat ni Icban at nagdeklara ng holdap, ayon kay Pedrozo.

Nagtamo ng sugat ang biktima matapos masaksak ng mga kasabwat ng suspek, ani Pedrozo.

Nabawi kay Icban ang ID ng biktima, tablet, kutsilyo at granada.

Inamin ni Icban ang panghoholdap pero iginiit na inudyukan lamang siya ng ilang taxi driver na nakilala niya noong Oktubre.

Gumagamit din umano ang grupo ng childlock sa kanilang mga sasakyan para hindi makalabas ang mga hinoholdap na pasahero.

Kinasuhan si Icban ng robbery, illegal possession of bladed weapon, at illegal possession of explosives.

Tinutugis din ng mga awtoridad ang mga kasabwat ni Icban. -- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.