Malawakang pagbabakuna kontra polio nagpatuloy

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2019 04:34 PM | Updated as of Nov 25 2019 06:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umarangkada ngayong Lunes ang panibagong round ng malawakang pagbabakuna kontra polio.

Kasabay ng pagsisimula ng bagong round ng "Sabayang Patak Kontra Polio" campaign ng gobyerno, inanunsiyo rin ni Health Secretary Francisco Duque na may bagong kaso ng polio na naitala sa bansa.

Sa ilalim ng kampanya ng gobyerno, maaaring pabakunahan ng mga magulang ang kanilang mga anak na may edad 5 taong gulang pababa sa mga health center hanggang Disyembre 7.

Pinangunahan ni Duque ang pamimigay ng libreng bakuna sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila.

Isa-isa namang kinatok ng mga health worker ang mga bahay sa General Santos City para patakan ng bakuna ang mga bata.

Nagbahay-bahay din ang mga polio vaccination team sa Cotabato City.

Sa Davao City, nagpatak kontra polio kahit sa mga bus terminal at checkpoint.

Target ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ang 95 porsiyento ng lahat ng mga batang nasa edad 5 pababa.

Idinaos noong nakaraang buwan ang huling round ng malawakang pagbabakuna kontra polio sa Metro Manila at mga piling lugar sa Mindanao.

BAGONG KASO NG POLIO

Samantala, kasabay ng pagbabakuna, umakyat na rin sa 8 ang bilang ng mga naitalang kaso ng polio sa bansa.

Isang 9 taong gulang na bata mula sa Basilan ang pinakabagong pasyenteng naiulat na may polio, ani Duque.

Hindi raw nabakunahan ang bata.

Noong Setyembre, kinumpirma ng DOH ang pagbabalik ng polio sa Pilipinas, halos 2 dekada matapos ideklara ng World Health Oranization na "polio-free" ang bansa.

Ang polio ay isang nakahahawang sakit na kadalasang tumatama sa mga bata. Kapag lumala ay nagdudulot ito ng paralysis at kamatayan.

-- May ulat nina Raphael Bosano, Johnson Manabat, Yen Mangompit at Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.